ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | April 14, 2021
Dahil sa pagpapakita na paninindigan ng ating bansa hinggil sa dose-dosenang barko ng Chinese na nahimpil sa Julian Felipe Reef ay naagaw natin ang atensiyon ng Estados Unidos hinggil dito.
Kahanga-hanga ang agad nilang pagpapakita ng paninindigan bilang kaalyado sa panuntunan base sa international maritime order at handa umano silang sumuporta anumang oras bilang pagtupad sa United States-Philippines Mutual Defense Treaty sa South China Sea.
Nagpakita rin nang pag-aalala ang Canada, Australia, Japan at iba pang bansa hinggil sa hindi maipaliwanag na intensiyon ng China sa teritoryo ng Pilipinas.
Nag-ugat ang lahat ng ito matapos hayagang palayasin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang mahigit sa 200 Chinese vessels na umano’y bahagi ng maritime militia ng China.
Ikinatuwiran ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian na kinailangan lamang umano nila sumilong dahil sa labis na sama ng panahon na siya namang ikinairita ni Lorenzana dahil napakaganda ng paligid at wala kahit banta ng masamang panahon.
Lalo pang nadagdagan ang pagkairita ni Lorenzana dahil hindi pa rin tuluyang nagsialis ang mga ito dahil may nanatili pa ring 44 Chinese ships na dahilan para tuluyan na silang paalisin ni Lorenzana.
Sinabi ni Lorenzana sa kanyang Twitter account na hindi umano siya loko para maniwala sa palusot ng mga Tsino dahil napakaganda ng panahon at wala silang sapat na dahilan para manatili sa ating teritoryo kaya dapat silang umalis.
Dahil dito ay nagpaliwanag ang Chinese Embassy na ang naturang sasakyang pandagat ay hindi Chinese maritime militia ships kundi ordinaryong fishing boats na humanap lamang ng masisilungan at ganito rin ang naging paliwanag ni Huang nang makipagpulong ito kay Pangulong Duterte.
Ang Juan Felipe Reef ay 324 kilometro lang ang layo mula sa Palawan na nasasakupan ng 370-km exclusive economic zone (EEZ) ng ating bansa.
Napakarami umano ng ginagawang paliwanag ni Huang at lantarang pinapalagan ang hiling ng pamahalaan na lisanin ang ating teritoryo na kung tutuusin ay hindi nararapat para sa bansa na itinuturing na kaibigan ng ating bansa.
Nasundan pa ito ng isa namang insidente nang tugusin ng Chinese Navy military vessels ang isang Pinoy vessel na minamaneho ng ilang sibilyan lulan ang team ng ABS-CBN habang binabaybay ang ilang bahagi ng West Philippine Sea malapit sa mainland ng Palawan.
Dahil dito ay umani na ng napakaraming negatibong komento ang hakbang na ito ng mga Tsino na tila inaabuso na ang kabaitan ng ating bansa at katunayan ay tinanggap pa natin kamakailan ang handog nilang bakuna bilang tanda nang mabuti nilang pakikitungo sa atin.
Ngunit kahit sa normal na magkaibigan ay tila hindi tamang habang nakikipagmabutihan ang isa ay naninira naman ang isa at posible itong humantong sa away-magkaibigan.
Wala rin itong iniwan sa isang baboy na mahal na mahal ng nag-aaruga, araw-araw pinaliliguan, binibigyan ng bitamina, tinuturukan ng mga pangontra sa sakit at pinakakain sa tamang oras pero pagsapit ng takdang panahon ay gagawin din palang litson o ipagbibili.
Kung ganito ang sitwasyon ng pagkakaibigan ay hindi ito maituturing na tunay na kabigan dahil ang tunay na kaibigan ay hindi pumapayag na pasamain man lang ang loob ng kanyang kaibigan.
Isa pa kung talagang sumilong lang sa ating teritoryo ang mga barko ng Tsina dahil inabot lang sila ng sama ng panahon ay maaari naman nila itong ipagbigay-alam sa ating pamahalaan na pansamantala lang ang kanilang pananatili.
Kaso ang National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) pa ang nag-ulat na namataan umano ng Philippine Coast Guard ang may 220 maritime militia vessels sa ating teritoryo, tapos nabawasan at naging 183 na lamang noong Marso 22 hanggang naging 199 noong Marso 27.
Tapos noong Marso 29 ay 44 pa ang natira pero ayon sa Task Force mahigit pa sa 100 barko ang namataan sa iba pang reef — 115 sa Chigua, 50 pa ang nakahambalang sa paligid ng Panganiban (Mischief) Reef, Kagitingan (Fiery) Reef at Zamora (Subi) Reef.
May 45 pa sa Pag-asa Island at may tatlo umanong Type 022 (Houbei class) stealth missile fast attack craft at iba pang barkong pandigma na lahat ay nasa bahagi ng Kalayaan Island Group ng Pilipinas.
Paano pa ito itatanggi ng Tsina at ano na naman kaya ang kanilang paliwanag hinggil dito na ang pakiramdam ng marami sa ating kababayan ay tahasang pang-aabuso na ito sa ating pananahimik?
Mahalagang maging malinaw tayo sa itinuturing nating kaibigan na bansang Tsina na dapat igalang nila ang ating sovereign territories at sundin ang international law.
Kung sinsero ang mga Tsinong ito sa pakikipagkaibigan sa atin ay hindi nila hahayaang humantong sa away-magkaibigan ang lahat at sana ay gawin nila ang tama.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments