ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | January 13, 2022
Nauumay na rin ba kayo sa usaping pandemya?
Noong Disyembre ay kabi-kabila na ang mga nag-Christmas party dahil para bagang na-excite ang mga tao na muling makipaghalubilo, makalipas ang halos dalawang taong pagbabawal sa pagtitipun-tipon. Ayon sa mga eksperto, ang paglabas upang mag-enjoy sa mga pagtitipon ay isa na ring senyales ng pagkaumay at pagkabagot mula sa matagalang pagpigil ng paggalaw ng mga tao sa komunidad sa layuning matigil ang pagkalat ng virus.
Subalit, heto na naman tayo. Mula sa ilang daang kaso na lamang ng COVID-19 noong Disyembre, libu-libo na naman ang mga kaso sa bansa. Tuluy-tuloy ang pahirap hindi lang sa kalusugan, kundi sa pangkabuhayan at ekonomiya. Kung kaya’t hamon ni Anak Kalusugan Partylist Representative at tumatakbong mayor ng Quezon City na si Mike Defensor, na repasuhin ang ilang ordinansang nagpapahirap sa mamamayan, at baguhin ang sistema sa pagtugon sa pandemya.
Una na ay ang napipintong pagtaas ng buwis na ipinapataw sa mga lupain at ari-arian na kung tawagin ay real property tax. Alam n’yo ba na kamakailan ay itinaas na naman ang valuation ng mga lupa sa QC at may nakalabas nang ordinansa upang muling itaas ang buwis ng mga property owners – maliit man o malaki ang inyong pagmamay-ari?
“Sa ating palagay, hindi pa napapanahon – dumaan tayo sa pandemya at marami ang naghihirap – na huwag magtaas ng anumang buwis o taxes sa ating siyudad,” ani ni Defensor.
Isa pang isyu ay ang business taxes. Alam nating mula maliliit hanggang sa malalaking negosyo ay tinamaan ng krisis kung kaya’t isa pang mungkahi ni Defensor ay ang pagbibigay ng 5 hanggang 10% diskuwento sa mga negosyante hanggang sila ay makabawi na at makaraos mula sa pagkalugi ng mga negosyo.
Ayon sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH), ang siyudad na may pinakamataas na bilang ng kaso ng COVID-19 ay ang Quezon City na pumalo sa 4,668 ang nagpositibo nitong Enero 10 – halos kalahati lang ng sumunod na may pinakamataas na bilang ng mga kaso ng COVID-19 ang Manila City na may 2,557. Kung kaya’t iminumungkahi rin ni Defensor na paigtingin ang COVID-19 response sa QC sa pamamagitan ng pagbuo ng task force na tututok sa pagsugpo ng pandemya, kung saan kabilang ang mga doktor ng halos 71 ospital ng lungsod.
Dapat din aniyang bigyang-sabsidiya ang mga pampublikong sasakyan mula sa tricycle, jeep at bus na lumalakbay sa QC.
Ayon kay Defensor, “Marami ang nagtatrabaho sa labas at marami ang nagkakahawa-hawa pagsakay sa mga pampublikong behikulo. Kailangang tulungan ang mga TODA, JODA at bus operators upang magawan nila ng paraan ang pagpapatupad ng social distancing sa loob ng mga sasakyan, tulad ng pagkakabit ng mga plastik na maghihiwalay sa mga pasahero. At dahil hindi naman napupuno ang kanilang sasakyan, kailangan din natin silang suportahan sa pamamagitan ng subsidy. Huwag nating kalimutan ang kahalagahan ng sektor ng transportasyon sa pagtakbo ng ekonomiya at pangkabuhayan ng mga tao.”
Marami na rin ang may agam-agam sa napapabalitang lockdowns dulot ng tumataas na bilang ng kaso ng Omicron. Ani ni Defensor, “‘Yung lockdown kasi, medyo hindi na ako naniniwala na kapag may isa, dalawa o apat na pamilya ang nag-positive ay ila-lockdown mo na ang buong barangay o kalsada. Ang importante rito ay ang contact tracing na maaari nang mas mapabilis pa sa tulong ng teknolohiya. Kailangan din sa ngayon ang mas mga pinag-igting na quarantine centers kung saan dadalhin ang mga nagpositibo mula sa isang lugar, at nakaantabay na rin ang mga ospital kung sakali mang lumala ang lagay ng nagkasakit.”
Kapag naka-lockdown nga naman, kahit kalsada lang, muling maantala ang paghahanapbuhay ng mga empleyadong nakatira roon.
“Ang laban sa COVID-19 ay collective effort. Naniniwala akong sa pagtutulungan ng lokal na pamahalaan, ng barangay, mga homeowners at ng mga lider ng pamayanan, mas magiging matagumpay ang pagresponde sa pandemya,” dagdag pa ni Defensor.
Bukod sa mga napapanahong mungkahing ito, personal na namang hiling na gawing libre ang RT-PCR test, lalo na sa mga nangangailang bumalik sa kanilang trabaho, kung saan ito ay requirement. Bilang konsehal at volunteer ng Philippine Red Cross, marami ang lumalapit sa atin upang magtanong ng ganitong uri ng serbisyo. Masakit sa puso nating wala pang libreng test kahit man lang sana para sa mga naghihikahos sa buhay dahil masakit din ang ganitong uri ng test sa bulsa. Nasa P4,000 pataas ang RT-PCR test at alam n’yo bang marami sa ating mga kababayan ang kumikita lamang ng P50 hanggang P100 kada araw ayon sa report ng projectpayatas.org? Kung may ganito lang kaliit na kita, magpapa-test ka ba o ipambibili mo na lang ng pagkain para sa pamilya?
Kahit man lamang sana libreng antigen testing na mas mura sa RT PCR ay maisip nang iproyekto sa buong siyudad, lalo na ngayong kasagsagan na naman ng COVID-19.
Mabuti na lamang din at nagsasagawa sina Defensor at ang partidong Malayang QC ng free antigen testing para sa frontliners sa siyudad.
Tama. Ang pagsugpo sa virus ay “collective effort” – kailangang sama-sama nating pagtulungang labanan ang pandemya, mula sa ating indibidwal na pamamaraan, tulad ng pag-isolate kapag may naramdamang sintomas, hanggang sa pagbibigay-suporta at tunay na solusyon ng iba’t ibang sektor ng lipunan, lalo na ng ating mga lider sa pamahalaan.
Comments