top of page
Search
BULGAR

Dapat i-level up ang edukasyon ng mga estudyanteng Pinoy!

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | January 18, 2022



Pormal na kinilala ang CCF Life Academy Foundation, Inc. bilang “educational institution of international character” matapos lagdaan ang Republic Act No. 11638. Bilang sponsor at isa sa mga may akda ng batas, kumpiyansa ang inyong lingkod na palalawigin nitong bagong batas ang mga oportunidad at pagkakataon para makatanggap ang mas maraming Pilipino ng international education.


Itinatag ang CCF Life Academy noong 2013 na nagsusulong ng kahusayan sa edukasyon, Christian character at servant leadership sa mga mag-aaral nito. Layunin din ng paaralan na humubog ng mga internationally-minded na mamamayan. Kasama sa senior high school program ng paaralan ang International Baccalaureate program, ang itinuturing na gold standard sa pre-college international education.


Sa tulong ng bagong batas, maipagpapatuloy ng paaralan ang programa nito para sa edukasyon, maiaangat nito ang kalidad ng pagtuturo at matutugunan ang pangangailangan ng mga foreign temporary residents pagdating sa de-kalidad na edukasyon.


Bagama’t maaaring tumanggap ang CCF Life Academy ng mga aplikante anuman ang lahi nilang naaayon sa sarili nitong eligibility standards, rules for admission at grade placement, nakasaad sa batas na walang single alien nationality ang magiging katumbas ng 30 porsiyento ng student population sa isang school year. Ituturing na exceptions ang sitwasyon ng mga foreign diplomatic personnel at ibang foreign temporary residents.


Nakasaad din sa batas na bagama’t maaaring tumanggap ang CCF Life Academy ng sarili nitong teaching and management personnel mula sa ibang mga bansa o lahi, dapat bigyang-prayoridad ng paaralan ang pagtanggap sa mga kuwalipikadong teaching and management personnel mula sa Pilipinas. Nananatili ring nasa ilalim ng regulasyon ng Department of Education (DepEd) ang paaralan.


Noong School Year (SY) 2020-2021, ang student body ng CCF Life Academy ay binubuo ng mahigit 600 mag-aaral mula preschool, elementary, junior at senior high school levels. Ang 13 porsiyento nito ay mga foreign students mula sa anim na ibang bansa.


Ang pagkilala sa CCF Life Academy bilang educational institution of international character ay hakbang upang maisakatuparan ang layuning sinusuportahan natin: na ang ating bansa ay maging regional hub para sa edukasyon at mahikayat na mag-aral dito ang mas maraming foreign students. Para sa mga mag-aaral ng ating bansa, ihahatid ng CCF Life Academy ang world-class na edukasyon na lilinangin ang kanilang Christian values.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

תגובות


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page