ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | June 5, 2022
Isa ang Pilipinas sa mga disaster-prone na bansa sa buong mundo. Nitong nakaraang taon ay nasa 8th place tayo sa 2021 World Risk Index, na may score na 21.39.
Sinusukat ng WRI ang “risk of disaster” na bunga ng mga extreme natural events, tulad ng mga bagyo, lindol at pagsabog ng bulkan. Noong 2020 ay nasa 9th place tayo, na may score na 20.96.
Kung kaya’t patuloy nating kailangan ang mga pag-aaral, paghahanda at mabilisang aksyon upang mapigilan o maibsan ang pinsala ng mga sakuna sa ating mga kababayan at kabuhayan.
☻☻☻
Isa sa mga pananggalan natin ay ang promosyon at awareness-building ng mga sakuna, ano ang posibleng mangyari at paano ito maiiwasan o maiibsan ng lahat.
Nitong taon ay nakamit ng isang Pilipino at isang organisasyon sa bansa ang Sasakawa Award for Disaster Risk Reduction para sa kanilang kontribusyon sa pagtataguyod ng resilience o katatagan sa pamamagitan ng multi-hazard approach.
Ito ay sina Glenn Suerte Felipe Banaguas at ang Save the Children Foundation.
Si G. Banaguas ay ang Founder at President ng Environmental and Climate Change Research Institute (ECCRI).
Pinangunahan niya ang Climate Smart Philippines program na nagtitipon ng mga eksperto at stakeholder upang pag-usapan ang mga disaster risk at maiwasan ang mga pinsala na maaaring maidulot nito.
Ang Save the Children Philippines naman ay NGO na katuwang ng pamahalaan upang gumawa ng mga polisiya at plano upang masiguro na ang mga karapatan ng mga bata ay napapangalagaan.
Nilikha nila ang mobile app na Rapid Assessment of Damages Report (RADaR), na isang reporting mechanism na tinataya ang mga pangangailangan ng mga paaralan at ng kanilang tauhan at mag-aaral pagkatapos ng emergency o disaster.
Ipinapahatid natin, bilang tagapangulo ng Senate Committee on Science and Technology, ang ating mainit na pagbati sa inyo. Ipagpatuloy ninyo ang inyong nasimulan para sa kaalaman at kaligtasan ng ating mga kababayan.
☻☻☻
Tuwing panahon ng tag-ulan ay laman ng balita ang mga sakuna na dulot ng malakas na pag-ulan na dala ng mga thunderstorm o bagyo, tulad ng baha, landslide o storm surge.
Tayo sa Senado ay palaging nakaagapay upang mabigyan ng karampatang budget ang mga ahensiya ng pamahalaan upang makatugon sa mga pangangailangan ng ating mga kababayan.
Ngunit kailangan pa rin natin palaging maging mapagmatiyag at alerto upang maiwasan ang personal na kapinsalaan sa mga sakuna. Tulad ng palaging sinasabi ng isang personalidad, “ligtas ang may alam”.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments