top of page
Search

Dapat gawin para suwertehin sa bahay na may mga duwende

BULGAR

ni Sister Isabel del Mundo @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | January 9, 2023


Dear Sister Isabel,


Gusto kong malaman bakit ganito ang buhay ko? Kapag hinahanap ko ang isang bagay, nawawala sa paningin ko, gayung sigurado ako na nandito lang naman sa paligid ko ang bagay na ‘yun. Kapag hindi ko naman kailangan, kitang-kita ko at nakakalat lang dito. Bakit kaya ganu’n? Parang may hindi nakikitang nilalang dito sa kuwarto ko.


Sabi ng kapitbahay namin, siguro ay may duwende sa kuwarto ko. Naniniwala ba kayo sa duwende? Hihintayin ko ang sagot n’yo.


Nagpapasalamat,

Alfred ng Batangas


Sa iyo, Alfred,


Maraming salamat sa pagsangguni tungkol sa problema mo. Sa tanong mo kung naniniwala ako sa duwende, oo, naniniwala ako. Dahil dito mismo sa bahay ko may mga duwende at dahil may third eye ako, kitang-kita ko sila at iba’t ibang kulay nila. May puti, itim, berde, pula at brown.


‘Yung itim ay nananakit at kinukurot ang balat ko, kaya parang may pasa paminsan-minsan. ‘Yung pula naman ay may dual personality, minsan ay mabait at may pagkakataong salbahe. ‘Yung brown at berde ay nagtatago sa mga halaman o bato na kakulay nila, kaya hindi gaanong napapansin. ‘Yung puti ay mabait at nagbibigay ng suwerte.


Gaya mo, nakakatuwaan nila ako. Tinatago nila ‘yung mga bagay na mahalaga sa akin, pero nilalabas din naman agad, kumbaga, binibiro lang ako. Ang gawin mo, kaibiganin mo ang duwendeng nasa loob ng kuwarto mo. Maglagay ka ng pitong matamis na kendi na iba’t ibang kulay sa kuwarto, lalo sa lugar kung saan naglalagi ‘yung duwende. Puwede ring mabangong bulaklak dahil gustong-gusto nila ‘yan, kaya hindi ka na nila gagambalain kapag nagawa mo ‘yan. Bagkus, bibigyan ka pa nila ng suwerte at makikita mo na susuwertehin ka na sa buhay kapag nagawa mo ang mga nabanggit ko.


Gayundin, huwag mong aawayin o sisigawan ang duwende upang hindi magalit dahil kusa rin namang aalis ‘yan sa takdang panahon. Tumatagal sila sa isang lugar sa loob ng maraming taon. Pagkatapos nu’n ay kusa namang mawawala at lilipat sa panibagong lugar na gusto nilang tirahan.


Nawa’y naliwanagan ka sa mga sinabi ko tungkol sa duwende. Mapanatag nawa ang kalooban mo at magkaroon na ng kapayapaan ang iyong isipan.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page