top of page
Search
BULGAR

Dapat gawin kapag biktima o naka-hit-and-run

ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | December 8, 2022


Marami sa mga driver ang hindi naiintindihan kung ano ang kanilang sasapitin kung sakaling masangkot sila sa hit-and-run na karaniwang ginagawa ng mga driver na nagmamadali o gustong takasan ang pananagutan, ngunit hindi nila alam na maaari silang matanggalan ng lisensya.


Dalawa ang klase ng hit-and-run—una ay ‘yung bumangga ang sasakyan sa kapwa sasakyan ay ikinukonsiderang misdemeanor o mas kaunti ang pananagutan, ngunit kung ang aksidente ay may nasaktang tao ay ikinukonsidera itong felony hit-and-run.


Isa itong krimen na karaniwang may sangkot na karahasan na karaniwang pinapatawan nang pagkakakulong na mas mahigit pa sa isang taon at inaakala ng mga driver na ang pagtakas ay mabuting desisyon lalo pa kung hindi naman grabe ang aksidente.


Tulad na lamang ng ginawang pagtakas ng isang truck driver na may plakang NAW 4930 na may nakasulat NIJARO Agri-Trading nang masagi niya ang isang Toyota Vios sa panulukan ng Almond St. at Gil. Fernando St. sa Brgy san Roque, Calumpang, Marikina City noong Nobyembre 22 bandang alas-10:30 ng umaga.


Bumaba ang pa truck driver, ngunit nang makumpirmang niyang babae ang kanyang nakabanggaan ay mabilis itong tumakas, ngunit ang biktima ay nagtungo sa Marikina PNP upang magsampa ng reklamo.


Hindi alam ng tumakas na driver na sobrang mali ang kanyang ginawa dahil natukoy na ng Land Transportation Office (LTO) na ang naturang wing van truck ay pagmamay-ari ng isang Loreto Galingana ng 13 Arkansas Vista Verde, North Caloocan City.


Bukod sa ipinahamak niya ang may-ari ng sasakyan ay posible pa siyang mawalan ng lisensya dahil sa ginawa niyang pagtakas na sana ay hindi na lumaki kung nakipag-usap na lamang siya sa tanggapan ng Marikina PNP.


Sa ngayon ay nakaalarma na ito sa LTO, siyempre sa ngayon ay wala pang problema pero kapag nagparehistro ng sasakyan at mag-renew ng lisensya ay dito na papasok ang problema—kapag naglabas pa ng warrant of arrest ang korte ay tiyak na tutugisin pa ang tumakas na driver na hindi sana nangyari kung hindi siya nang-hit-and-run.


Kahit ano'ng ingat ng tsuper ay hindi maiiwasan ang aksidente dahil bahagi ‘yan ng pamamaneho, ngunit dapat lang na alam ng isang tsuper kung ano ang kaniyang gagawin sa oras na masangkot sa isang aksidente.


Ano ba ang dapat gawin kung masasangkot sa vehicular accident? Una ay huwag tumakas, harapin ang sitwasyon, makipag-usap sa nakabanggaan upang hindi na humantong sa demandahan.


Ikalawa ay tingnan kung ligtas bumaba ng sasakyan, dahil may pagkakataong galit ang nakabanggaan na posibleng humantong sa kaguluhan, kung walang problema i-handbrake ang sasakyan, i-on ang hazard lights at maglagay ng warning triangle upang mabigyang-babala ang mga paparating na sasakyan.


Ikatlo ay alamin kung may nasaktan, unang tingnan ang sarili kung naigagalaw lahat ng bahagi ng katawan o kung may dugo, ikalawa ay tingnan ang lagay ng kasama kung mayroon, matapos ito ay tingnan din ang kalagayan ng nakabanggan upang mabigyan kaagad ng karampatang lunas.


Ikaapat, kunan ng larawan ang lahat ng anggulo ng aksidente, partikular ang plate number upang may magamit na ebidensya bago itabi ang sasakyan o kung walang kaalaman sa pagkuha ng larawan ay huwag aalisin ang mga sasakyan hangga’t hindi dumarating ang pulisya.


Ikalima ay makipagpalitan ng impormasyon at siguruhing makuha ang Pangalan, Address, Contact information, Vehicle description, year, make at model, Driver's license number, Vehicle registration information, License plate number, Car insurance provider ay Insurance policy number.


Higit sa lahat ay tumawag ng pulis upang may mamagitan na magsasagawa ng imbestigasyon dahil kakailanganin din ng police report kung sakop ng car insurance ang gastusin sa naturang aksidente.


Kung sakaling grabe ang aksidente o may nasaktan sa magkabilang panig na kailangan ng medical assistance ay tumawag agad sa national emergency hotline 911 o MMDA hotline 136 para sa iba pang katanungan o mas mabuting naka-install sa inyong cellphone ang mga numerong nabanggit.

 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page