ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Inyong Numero | July 27, 2024
Dear Maestro,
Sa edad kong 59, may pag-asa pa ba akong suwertehin sa buhay? Ano ang dapat kong gawin para gumanda ang aking kapalaran?
Alam n’yo bata pa lang ako, naghihirap na kami at hanggang ngayong may apo na ako ay ganu’n pa rin. Ang masaklap pa, nadamay pa ang mga anak at apo ko sa aking kahirapan.
Nawa’y mapayuhan n’yo ako upang umunlad at suwertehin naman ako kahit sa huling yugto ng buhay ko. Ang birthday ko ay July 24, 1965.
Umaasa,
Arnesto ng Santa Ines, Bacolor, Pampanga
Dear Arnesto,
“Tempus fugit, memento mori” – salitang Latin na nagpapaalala sa bawat isa na, “Mabilis na lumilipas ang panahon, alalahanin mo sa bawat saglit ang iyong pagtanda at ang iyong kamatayan.”
Tunay ngang sa panahon ngayon, mararamdaman mo na lang na talagang mabilis na lumipas ang panahon at mabilis ding napipigtas ang oras sa kanyang pag-ikot, ngunit mabagal ang nagagawa nating pag-unlad at kabutihan upang lalo pang gumanda ang ating buhay patungo sa mas asensado at maligayang karanasan.
Kaya masasabing ito ang malaking problema ng mga pangkaraniwang tao — umuusad nang mabilis ang panahon at nagkakaedad tayo, at ngayong tumatanda ka, ngunit hindi mo pa rin alam kung paano ka susuwertehin sa buhay, gayundin kung paano mo maaabot ang iyong mga pangarap. Napakahalagang habang bata ka pa ay nagpapaanalisa ka na ng iyong kapalaran bilang gabay upang malaman ng isang tao ang kanyang mga kahinaan na dapat baguhin at mga positibong katangian na dapat namang paunlarin. Dagdag pa rito, mas mahalagang malaman mo hangga’t maaga kung paano ka mamalasin at susuwertehin sa buhay.
Halimbawa, isa kang Leo, dapat ang iyong career ay sikat ka. Kumbaga, parang artista na palaging nasa limelight ang buhay mo. Sa ganu’ng paraan ka uunlad, magtatagumpay at magiging maligaya.
Isa pang tipikal na pampasuwerte ng Leo ay ang singsing na gold. Dahil siya ay under sa planetang Sun, bukod sa singsing na gold na pinalamutian ng batong sardonyx, bagay din sa iyo ang batong ruby, dapat din namang magsuot ka ng kulay na dilaw.
Kung ang birth date mo namang 24 o 6 (2+4=6) ang tatanungin, tugma sa kapalaran mo ang kulay na pula o red upang suwertehin ka. Isuot mo ang pula tuwing sasapit ang mga petsang 6, 15, 24, 3, 12, 21, 30, 9, 18 at 27, higit lalo kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Martes, Huwebes at Biyernes, habang isuot mo naman ang kulay na dilaw, tuwing sasapit ang petsang 1, 10, 19, 28, 4, 13, 22, 31, 7, 16, 25, 2, 11, 20 at 29.
Gayundin, ayusin mo ang iyong pirma kung halimbawang ito ay pangit. Halimbawa ng pangit na lagda ay ‘yung binaboy o binurara. Pangit din ang pirma na ibinabalikwas sa direksiyong kaliwa ang mga strokes o dulong buntot o ang paa ng mga letra ay ibinalik sa nasabing direksiyon.
Kaya ang pinakamagandang lagda ay klaro o malinaw ang pagkakasulat, madiin, nababasa ang salita, may katamtamang laki ang letra at mabilis na isinulat. Dapat ding ang lahat ng stroke ay patungo sa direksiyong kanan.
Kung halimbawang maganda na ang lagda mo, magsisimula nang ma-realize ng iyong isipan at unconscious self na ikaw ay kasalukuyang nasa tamang landas na ng tagumpay upang mas madaling makamit ng iyong pagkatao ang magagandang kapalaran na nakalaan sa iyo.
‘Yan muna ang unang ipatupad at gawin mo. Sa sandaling nasunod mo ang mga simpleng rekomendasyon sa itaas, kahit medyo may edad ka na, sa pagpasok ng taong 2025, sa edad mong 60 pataas, susuwertehin, uunlad, at magtatagumpay ka na.
Commentaires