ni Rohn Romulo - @Run Wild | February 1, 2021
Kung excited ang lahat na malaman kung totoong buntis si Marian Rivera, excited din ang mga netizens sa kalalabasan ng pagtanggap ni Superstar Nora Aunor sa lead role ng Kontrabida na in-offer ng Godfather Productions ni Joed Serrano.
Ang naturang role na ididirek ni Adolf Alix, Jr. ay sigurado raw na magmamarka sa mga nagampanan ni La Aunor na puwedeng ihanay sa Himala, The Flor Contemplacion Story at iba pa niyang pelikula na ‘di na malilimutan sa history ng Philippine movies.
For the first time nga ay magiging kontrabida si Ate Guy sa buong pelikula, at parang tribute na rin sa mga namayapang beteranang aktres tulad ni Ms. Anita Linda (na favorite ni Direk Adolf at naidirek pa niya ang mga huling pelikula nito), at sa ilang tumatak na kontrabida dahil sa kahusayan tulad nina Bella Flores, Rosa Rosal at Zeny Zabala.
Pahayag pa ng nag-iisang Superstar, wala nga namang bida na umaangat kung walang magaling na kontrabida. Na aminin natin, ito ang inaabangan ng mga Pinoy viewers, na enjoy na enjoy nating panoorin lalo na sa mga dramatic films, kung saan matapos magbangayan ay magsasampalan.
“Kailangang may kumokontra. Sa lahat ng bagay, kailangang may kumokontra,” sey pa ni Nora na maaaring first and last ito at hindi na mauulit pa.
Panalo rin ang supporting cast ng Kontrabida dahil makakasama ni Ate Guy sina Rosanna Roces, Bembol Roco at Jaclyn Jose.
Pasok din ang mga alaga ng Godfather Productions na sina Nathan Charles at Ricky Gumera na fresh na fresh sa success ng Anak ng Macho Dancer, na bago pa ang araw ng streaming worldwide ay balitang naka-P70 million na at tumaas pa noong Sabado bago ito nag-premiere.
Samantala, pinag-uusapan din kung sino kaya ang aktres na tatanggap ng role na sasampal kay Ms. Nora Aunor na magiging pinaka-highlight ng Kontrabida.
Payag naman si Ate Guy na gawin sa kanya 'yun dahil sa kagustuhan ng kanilang direktor.
May hint na ibinigay ang producer na si Joed, dapat daw ay malaki ring bituin tulad ni Ate Guy, na imposible namang ang Star for All Seasons na si Ms. Vilma Santos-Recto na maaalala namang nagbida sa kakaibang indie film na Ekstra.
Kaya napaisip kami kung sino ang magpi-fit na sinasabing blockbuster star o box-office queen na kasingkalibre ng Superstar sa kanyang naabot na kasikatan.
Well, isa sa mga pumasok sa aming isipan si Megastar Sharon Cuneta, na aminadong unang naging Noranian bago naging Vilmanian.
Anyway, ano kaya kung offer-an siya nina Direk Adolf at Joed, tanggapin kaya ni Mega ang special cameo role?
Makayanan kaya niyang sampalin sa pelikula ang Superstar na isa sa kanyang iniidolo noong nagsisimula pa lang siya sa showbiz industry at gumagawa ng sariling pangalan bilang isang magaling na singer at actress hanggang sa bansagan na Megastar?
Comments