ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | August 14, 2022
Nitong mga nakaraang araw ay nagmistulang “Waterworld” ang maraming lugar sa Pilipinas na dulot ng habagat o southwest monsoon.
Pinalakas pa ang pag-ulan dahil sa isang low pressure area (LPA), kung kaya’t marami sa ating mga kababayan ang naabala dahil stranded, binaha o kaya’y napilitang maghanda para lumikas.
Napapansin nating tuwing panahon ng tag-ulan ay lalong lumalakas ang mga pag-ulan, kung kaya’t dapat nating itong paghandaan.
Ngunit hindi lang dapat tayo maghanda.
☻☻☻
Dapat din nating kalampagin ang pamahalaan na umaksyon laban sa climate change at himukin ang iba pang bansa na kumilos upang maibsan ang epekto ng lumalalang epekto ng pagbabago ng klima.
Ayon sa mga pag-aaral, isa ang Pilipinas sa mga disaster-prone na bansa sa buong mundo. Nasa 8th place tayo sa 2021 World Risk Index, na may score na 21.39. Noong 2020 naman ay nasa 9th place tayo, na may score na 20.96. Ang WRI ay pagsukat ng “risk of disaster” na bunga ng mga extreme natural events, tulad ng mga bagyo, lindol at pagsabog ng bulkan.
Alam nating lahat na ang Pilipinas ay nasa typhoon belt at bulnerable tayo sa extreme weather events, tulad ng super Bagyong Yolanda. Nasaksihan natin ang direktang epekto nito sa bansa, kung kaya’t kailangan na natin ng agarang aksyon.
Hindi sapat na pinag-uusapan lang ito sa loob ng mga classroom, dapat palawakin na ang diskusyon nito mula sa mga barangay hanggang sa Pangulo ng bansa.
☻☻☻
Kung kaya’t kahanga-hanga ang ginawa ng lungsod ng Makati sa pagdedeklara ng “climate emergency”.
Maaaring maliit na bagay lamang ito para sa ilan, ngunit binubuksan nito ang diskusyon sa pinakamataas na decision-making body ng naturang lungsod.
Isa ito sa mga dapat nating gawin, ang buksan ang mas marami pang pinto upang pag-usapan ang climate change at pataasin ang antas ng awareness, mitigation at adaptation ng lahat.
Ang Senado ay handa naman upang muling aralin ang National Climate Change Action Plan katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang magtakda ng mga prayoridad at aksyon, lalo na sa mga rehiyon at LGU na lubhang bulnerable.
Hindi dapat nating makalimutan ang epekto ng Yolanda sa ating mga kababayan at sa bansa. Marami pang mangyayaring katulad na sitwasyon kung tayo ay hindi aaksyon agad.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments