ni Zel Fernandez | April 22, 2022
Ipinanawagan ng chairperson ng Senate Committee on Health sa Commission on Higher Education (CHED) na gawing mas simple lamang ang requirements para sa mga college students na dadalo sa face-to-face classes.
Batay sa Resolution No. 164 ng Inter Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, tanging mga fully vaccinated na mga estudyante na mayroon lamang health insurance ang papayagang pumasok sa eskuwelahan para dumalo sa kanilang face-to-face classes.
Gayunman, para kay Sen. Bong Go, “alam n’yo, huwag na ho nating pahirapan pa ang mga kababayan natin sa pagbalik sa pag-aaaral. Hirap na nga ‘yung mga kababayan natin dito sa ating transition nu’ng naging distance learning tayo tapos ngayon magbabalik na naman sa face-to-face learning, mahihirapan naman ang mga kababayan natin. Huwag na ho nating pahirapan pa ang mga kababayan”.
Para kay Go, hindi naman kinakailangan manggaling pa sa pribadong kumpanya ang health insurance dahil maaari namang gamitin ang PhilHealth.
Paliwanag ni Go, nakasaad sa Republic Act No. 11223 o ang Universal Health Care Law, maaaring mapakinabangan ng mga mag-aaral ang PhilHealth insurance, “’yung insurance naman po, hindi dapat private. So, ibig sabihin, PhilHealth… insured ka d’yan dahil miyembro ka ng PhilHealth. ‘Yung mga 21 years old and above ay miyembro ka na po, indigent ka, miyembro ka na po. ‘Yung mga dependents naman less than 21, mga dependents sila… pwede n’yo na hong gamiting insurance ‘yon”.
Sa kabila nito, pinakamahalaga pa rin umanong requirement para sa face-to-face classes na fully vaccinated o nakapagpa-booster shot na ang mga estudyanteng kuwalipikado sa face-to-face classes dahil ito ang maituturing na “best health insurance” sa malalang sintomas ng COVID-19.
Ani Bong Go, “’pag bakunado ka, mas insured ka. Not only sa papel, but ‘yung kalusugan mo mas more insured ka na hindi ka mahahawa, magkasakit o mamatay sa COVID-19”.
“Unahin n’yo pa rin ang kalusugan at buhay ng mga kabataan bago n’yo isabak sa classroom. Mas mahirap po ‘yung mas nasa panganib ‘yung buhay nila, ‘yung mga magulang nasa bahay nag-iisip kung ano ‘yung kalusugan at katayuan ng kanilang mga anak habang nag-aaral. ‘Yun po ang dapat siguruhin ng ating mga awtoridad,” dagdag pa niya.
Samantala, inaasahang marami nang mga kolehiyo at unibersidad mula sa mga lugar na nasa Alert Level 1 ang magbabalik na sa face-to-face classes.
Comments