top of page
Search
BULGAR

Dapat at hindi dapat gawin para humaba ang buhay

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | June 7, 2022




Part 1


Si Dr. David Sinclair ay isa sa Time magazine’s 100 Most Influential People in the World noong 2014 at noong 2018, muli siyang pinarangalan bilang isa sa Time magazine’s 50 Most Influential People in Health Care. Bakit kaya ganito katanyag si Dr. Sinclair?


Ipinanganak at lumaki si Dr. David Sinclair sa New South Wales, Australia. Noong 1956, mula sa Hungary ay naglakbay sa Australia ang kanyang mga ninuno ng sumiklab ang rebolusyon laban sa communist government ng Hungary at noon ay mapanikil na polisiya ng Soviet Union.


Nag-aral si Dr. Sinclair sa University of New South Wales, kung saan siya ay ginawaran ng degree na Bachelor of Science at noong 1995 naman ay Ph.D. in molecular genetics. Mula sa Australia ay naging post-doctoral researcher si Dr. Sinclair sa Massachusetts Institute of Technology (MIT) sa Amerika. Habang nasa MIT ay nadiskubre niya ang isang gene na nagpapabagal ng pagtanda. Tinawag niya itong sirtuin 1.


Dahil sa kanyang talino at galing ay kinuha siya ng Harvard Medical School noong 1999. Noong 2004, sa tulong ng malaking donasyon ng pilantropo ay naitayo ni Dr. Sinclair sa Harvard Medical School ang Paul F. Glenn Laboratories for the Biological Mechanisms of Aging. Layon ng laboratoryo na ito ang pag-aralan kung paano tumatanda ang tao. Matapos ito ay na-promote bilang tenured professor sa Harvard Medical School si Dr. Sinclair.


Hindi naglaon ay nadiskubre ng mga scientists ang sirtuin 2. Sa pangunguna ni Dr. Sinclair ay nadiskubre nila na kung magiging aktibo ang mga sirtuins, ito ay magpapabagal ng pagtanda ng tao. Sa patuloy na pananaliksik ng laboratoryo ni Dr. Sinclair ay nadiskubre rin nila na ang resveratrol, substance na makikita sa red wine at ang Nicotinamide Adenine Dinucleotide o NAD ay parehong nakatutulong ma-activate ang mga sirtuins at nagpapabagal ng pagtanda.


Sa kanyang isinulat na libro na may titulong Lifespan: Why We Age – and Why We Don’t Have To, isang New York Times bestseller ay sinabi niyang kung may isang bagay na maaaring magpahaba ng buhay ng tao na kanyang natutunan sa mahigit na 25 years niyang pag-aaral sa pagtanda (aging) ng tao, ito ay ang pagkain ng mas kaunti (eat less). Ayon kay Dr. Sinclair, simula pa sa panahon ni Hippocrates, isang Greek physician ay ginagamit na ito sa panggagamot. Ayon sa kanya, ang pagkain ng mas kaunti o ang hindi pagkain sa itinakdang panahon ( fasting) ay maganda sa ating kalusugan at nakakapagpahaba ng buhay.


Inihalimbawa ni Dr. Sinclair, si Luigi Cornaro, isang mahirap na tao na dahil sa talento sa pagnenegosyo ay yumaman. Nabuhay siya sa Italya noong 15th century. Dahil sa kanyang pagyaman ay namuhay siya ng labis-labis sa pagkain at pag-inom ng alak. Ngunit siya ay nagbago ng pamumuhay noong marating niya ang edad na 30, kung saan sinanay niya ang sarili na mas kaunti ang kainin at inumin na alak. Isinulat niya ang librong First Discourse on the Temperate Life noong siya ay edad 80. Namatay siya na mahigit 100 years old.


Isa pang ehemplo na ibinigay ni Dr. Sinclair ay si Professor Alexandre Guéniot, naging Presidente ng Paris Medical Academy. Ang propesor ay naging tanyag sa kanyang restricted diet, kung saan kaunti lamang ang kanyang kinakain sa paniniwalang ang ganitong kaugalian ay nagpapahaba ng buhay. Dahil dito ay pinagtatawanan si Professor Alexandre ng kanyang mga kaibigan at mga kasama sa trabaho. Namatay ang propesor sa edad na 102.


Abangan ang ikalawang bahagi ng ating serye tungkol sa mga advice ni Harvard professor Dr. David Sinclair kung paano humaba ang ating buhay.

 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com


0 comments

Kommentare


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page