ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Feb. 2, 2025
MGA KANDIDATONG MAY ‘KAMAG-ANAK INC.’ O POLITICAL DYNASTY ANG NAIS NI PBBM MAGWAGI SA ELEKSYON -- Hangad daw ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang 12-0 sa senatorial election, na ibig sabihin nais daw niya ay manalo sa darating na midterm elections ang lahat ng kanyang 12 kandidato sa pagka-senador.
Hindi naman kataka-taka na gustuhin ni PBBM na manalo lahat ng kanyang kandidato sa pagka-senador kaya ikinakampanya niya ang mga ito kasi tulad ng Presidente na may political dynasty, lahat ng kanyang kandidato sa senatorial election ay may mga political dynasty din, period!
XXX
KAPAG NAGSIPAGWAGI SA SENATORIAL ELECTION MULA SA ‘KAMAG-ANAK INC.’ IBIG SABIHIN DAMING BOBOTANTE SA ‘PINAS -- Kung pagbabasehan ang mga lumalabas na senatorial survey sa anumang survey firms, karamihan sa mga pumapasok sa top 12 ay may political dynasty.
Kaya kapag karamihan sa mga nagwagi sa senatorial election ay mula sa political dynasty o ‘Kamag-anak Inc.’, malamang malagay sa Guinness World Records ang ‘Pinas na ito ang bansang may pinakamaraming bobotante, boom!
XXX
TILA PINANINDIGAN NA NG PHILIPPINE PRESIDENT ANG PAGIGING SINUNGALING -- Iginiit ni PBBM na wala raw blank budget documents sa pinirmahan niyang 2025 General Appropriations Act (GAA).
Kung ganu’n, tila pinaninindigan ng Philippine President ang pagiging sinungaling, kasi mismong ang kaalyado niyang si Marikina City Rep. Stella Quimbo, chairman ng House Committee on Appropriations na ang nagsabi na meron ngang mga blank budget documents sa naisabatas na 2025 GAA, tapos todo-tanggi pa si PBBM, pwe!
XXX
AFTER NG KATITING NA OIL PRICE ROLLBACK, BALIK NA NAMAN SA BIGTIME OIL PRICE HIKE! -- Matapos mag-rollback last week ng katiting na presyo sa kada litro ng mga produktong petrolyo, nag-anunsyo na naman ang mga alagad ni PBBM sa Dept. of Energy (DOE) na asahan na raw next week na may magaganap na namang bigtime oil price hike sa kada litro ng gasolina, diesel at kerosene.
Ganyan kung ungguy-ungguyin ng Marcos admin ang mamamayan, kumbaga sa katiting na oil price rollback ay parang hinimas-himas ng gobyerno ang batok ng mamamayan, at pagkaraan ay saka babatukan ng pagkalakas-lakas sa pagpapatupad ng bigtime oil price hike, tsk!
留言