ni Lolet Abania | March 25, 2022
Nabawasan na ang dami ng mga sasakyan na bumibiyahe sa EDSA, ang pinakaabalang kalsada sa Metro Manila, dahil sa sunud-sunod na matinding pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sa Laging Handa briefing ngayong Biyernes, sinabi ni MMDA director Neomi Recio na ang araw-araw na volume ng mga sasakyan sa kahabaan ng EDSA ay bumaba ng 372,000 mula sa 396,000 bago ang pagtaas sa presyo ng langis.
“Nagkaroon ng effect ang mataas na presyo ng gas kaya hindi masyadong lumabas ang mga kababayan natin,” ani Recio.
Simula pa lang ng taon, nagtaas na ang presyo ng mga produktong petrolyo, na umabot sa 11 magkakasunod na linggo bago nagpatupad ang mga kumpanya ng langis ng isang big-time rollback ngayong linggo.
Ayon sa opisyal, nang isailalim sa Alert Level 1 ang National Capital Region (NCR) nitong umpisa ng buwan, ang araw-araw na dami ng mga sasakyan sa kahabaan ng EDSA ay kulang pa rin at hindi naabot sa pre-COVID-19 pandemic level.
“Hindi pa rin natin narating ang pre-pandemic level, especially sa EDSA. Noong pre-pandemic ang volume natin diyan ang pinakamataas 405,000,” saad ni Recio.
Sa kabila ng mababang volume ng mga sasakyan sa EDSA, ayon sa MMDA pinag-aaralan naman nila ang pagkakaroon ng daylight saving time sa NCR.
Sa kasalukuyan, ipinatutupad ang number coding sa kahabaan ng EDSA mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi, kung saan sinimulan ito noong Nobyembre 2021 dahil sa naranasang matinding trapiko sa lugar.
Gayunman, ayon kay Recio, tinanggihan na nila ang mga panawagan para sa pag-expand ng number coding scheme dahil aniya, hindi pa bumabalik sa pre-pandemic levels at ang volume ng mga sasakyan na bumibiyahe sa EDSA ay kakaunti lamang.
“Based on our data, this is not the right time na mag-expand tayo kasi based doon sa volume and sa travel time, travel speed na nakukuha ng travel engineering center ng MMDA, still manageable ‘yung traffic and hindi pa naman tayo bumabalik sa pre-pandemic na sitwasyon natin,” paliwanag pa ni Recio.
Comments