top of page
Search
BULGAR

Dalhin ang bakuna sa taumbayan, pabilisin ang pagbibigay-proteksiyon!

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | June 09, 2021



Noong Hunyo 7, binuksan na ang national vaccination program para sa ating mga kababayang kabilang sa A4 priority groups. Ngayong isusunod na ang mahalagang sektor na ito, nananawagan tayo, bilang Chair ng Senate Committee on Health, na dalhin ang bakuna sa taumbayan kahit saang sulok man sila ng bansa sa mabilis at maayos na paraan.


Kapag nabakunahan na ang essential sectors o A4 category, kung saan kasama ang mga ordinaryong manggagawa na kailangang lumabas upang magtrabaho at buhayin ang pamilya, mas mapabibilis ang pagbangon ng ekonomiya dahil binabalanse ang lahat. Habang pinoproteksiyunan ang buhay ng bawat Pilipino, nais din nating maproteksiyunan ang mga kabuhayan sa mga komunidad.


Bigyan sila ng kaukulang proteksiyon mula sa sakit, gamit ang bakuna, lalo na sa indibidwal na vulnerable. Bukod sa senior citizens at may comorbidities, importanteng mabakunahan ang economic frontliners, lalo na ‘yung may edad 40 hanggang 59 na madalas tamaan ng sakit base sa datos.


Patuloy din nating hinihikayat ang LGUs na mas paigtingin pa ang pagbabakuna sa kanilang mga lugar, lalo na sa mga natitira pang kabilang sa A1, A2, at A3 na grupo na hindi pa bakunado. Kung kailangang suyurin ang mga komunidad at pamamahay para masigurong walang makaliligtaan ay gawin na agad.


Maging mapamaraan kung papaano pa mas mapabibilis at mailalapit ang bakuna sa taumbayan upang maintindihan na ito ang susi tungo sa pagbalik-normal na pamumuhay at ang solusyon upang malampasan ang krisis.


Sa mga kabilang sa priority sectors, bagama’t hindi kayo mapipilit, nakikiusap tayong magtiwala sa bakuna dahil kapakanan ninyo ang inuuna. Kapag panahon n’yo na para magpabakuna, huwag na mag-alinlangan pa — magpabakuna na agad kayo.


Pinaaalalahanan natin ang LGUs na hindi dapat magtagal ang mga bakuna sa inyo. Pagka-deploy sa mga lugar, dapat may sistema nang nakalatag upang magamit at makarating sa mga dapat maturukan. Sa bawat oras, buhay ang nakasalalay.


Samantala, para sa mga nabakunahan na, mag-ingat pa rin tayo. Nakatutulong man ang bakuna upang maiwasan ang malubhang kaso ng COVID-19, hindi ito nangangahulugang hindi na kayo mahahawa. Sumunod pa rin sa mga patakaran dahil ang kooperasyon at disiplina ay makapagliligtas ng buhay ng kapwa.


Sa ngayon ay mayroon na tayong higit siyam na milyong doses at inaasahang higit pa rito ang darating sa mga susunod na araw at linggo. Humigit-kumulang anim na milyon na rin ang naiturok na bakuna, higit apat na milyon dito ay unang dose pa lang. Kaya ipinaaalala natin sa lahat na siguraduhing makukumpleto ninyo ang dalawang dose ayon sa nakatakdang panahon. Paigtingin pa ang education campaign sa bakuna upang maintindihan ng mga tao ang importansiya ng kumpletong bakuna para maging mas mabisa ang proteksiyon laban sa sakit.


Huwag tayong matakot sa bakuna dahil ligtas at epektibo ang mga ito. May mga risk mang kasama ang bakuna tulad ng iba pang mga gamot, higit namang mas mapanganib ang mahawahan ng COVID-19 nang hindi bakunado. Bukod sa pag-iingat at pagsunod sa patakaran, ang bakuna ang maglalayo sa atin mula sa peligro.


Kaya kung mapabilis natin ang rollout ng bakuna at maging mahusay ang proseso, mas marami tayong mababakunahang Pilipino upang marating ang herd immunity sa lalong madaling panahon. Kaya magbayanihan, makiisa at magmalasakit sa kapwa tungo sa pangkalahatang layunin na maibangon ang bansa mula sa pagsubok!

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page