top of page
Search
BULGAR

Dalawang malaking kalabaw, pahiwatig na parating ang masaganang buhay

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | January 31, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Lawrence na ipinadala sa Facebook Messenger.


Dear Professor,


Ang panaginip ko ay dalawang malaking kalabaw. Ano ang kahulugan nito?


Naghihintay,

Lawrence


Sa iyo, Lawrence,


Kung magbabalik-tanaw tayo sa kahulugan ng baka o cow sa panaginip na ibinahagi sa atin mismo ng Banal na Kasulatan o Bible, ang baka ay kasaganaan ang kahulugan. Para mas malinaw, muli nating talakayin ang nakasulat sa Bible.


May isang pastol ng mga tupa na nabuhay sa Israel at ang kanyang pangalan ay Joseph. Bagama’t tagapagpastol siya ng mga tupa, ayon sa nasusulat, siya ay mahilig matulog, kumbaga, tulog lang siya nang tulog, kaya binansagan siya ng kanyang mga kapatid at nakakakilala sa kanya na “Joseph, the Dreamer.”


Dahil tulog siya nang tulog, kinainisan siya ng kanyang mga kapatid at siya ay inihulog sa isang malalim na balon, pero may nakapulot sa kanya at siya ay kinupkop. Hindi na siya nakita ng kanyang mga kapatid at inakala nilang si Joseph ay patay na.


Parang totoong-totoo ang kuwento sa Bible, hindi ba? Dahil kahit naman ngayon, ang kapatid na tulog nang tulog ay kinaiinisan ng kanyang mga kapatid. Hindi nga lang alam ng tulog nang tulog na ang panalangin ng kanyang mga kapatid ay bangungutin siya dahil wala namang silbi ang ganu’ng klase ng kapatid.


Sa paglipas ng maraming taon, ang Hari sa Ehipto ay nanaginip ng pitong baka na mataba at pitong baka na payat. Nagbalita ang Hari na kung sino ang makakapag-interpret ng panaginip niya ay bibigyan niya ng regalo at patitirahin sa palasyo.


Napakaraming pumunta sa Hari na nagsasabing marunong silang mag-interpret ng panaginip, kumbaga, napakaraming nagsasabing sila ay dream interpreter pero sila lang din naman ang nagdeklara nu’n.


Silang lahat ay naputulan ng ulo dahil nakahalata ang Hari na hindi naman sila tunay na bihasa sa pag-aanalisa ng mga panaginip. Kaya sa sobrang inis ng Hari at sa kanyang labis na frustration, ipinahanap niya si Joseph, the Dreamer dahil sa nickname pa lang ni Joseph ay naintriga na agad ang Hari.


Nang magharap na ang Hari at si Joseph, nakiusap sa kanya ang Hari na ipaliwanag sa kanya ang kahulugan ng pitong baka na mataba at pitong baka na payat.


Sinabi ni Joseph nang diretsahan sa Hari na ang pitong baka na mataba ay pitong taon ng masaganang ani at ang pitong baka na payat ay pitong taon ng taggutom, at nangyari nga! Nagkaroon ng pitong taong kasaganaan at pagkatapos nito ay pitong taon ng taggutom.


Ikaw, hindi ba, ang napanaginipan mo ay dalawang kalabaw na matataba? Ibig sabihin, dalawang taon na masaganang buhay ang mapasasaiyo— ito ang sinasabi ng kapalaran mo na mangyayari sa buhay mo sa malapit na hinaharap.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page