ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | January 4, 2021
Salaminin natin ang panaginip ni Guianelly na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
May itatanong ako sa inyo dahil nanaginip ako ng gagamba. Ngayon, kahit anong patay namin ng pinsan ko ay hindi ito mamatay-matay, sa halip, paulit-ulit lang itong nabubuhay. Patayin at durugin man namin, maya-maya ay buhay na naman ito at hinahabol kami. Hanggang sa nagising na lang ako. Kinakabahan ako sa panaginip ko, ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Guianelly
Sa iyo, Guianelly,
Alam mo, iha, sa buhay ng tao, lalo na’t Bagong Taon ngayon, alam mo bang maraming kahit anong gawin ay naroon pa rin? Halimbawa nito ang napanaginipan mo na kahit patayin nang patayin at durugin nang durugin ang gagamba, ito ay buhay pa rin.
Sinasabing kabilang dito ang mga negatibo at masasama mong ugali na gusto mo nang baguhin, lalo na ngayong Bagong Taon. Kailangang “mabago” mo ang masasamang ugaling ito sa pamamagitan ng pagdisiplina sa iyong sarili upang ang “hindi mamatay-matay na gagamba” sa panaginip mo ay tuluyan nang mamatay o matudla.
Pangalawang ibig sabihin na mas matindi ang kahulugan ng panaginip mong gagamba na hindi mamatay-matay ay ganito: Kapag matindi ang pag-ibig ng isang tao sa kanyang minamahal, kahit pa mabasted siya nang mabasted, patuloy at buhay na buhay ang kanyang pag-ibig. Marami nang nakaranas na kung anu-ano ang sinabing masasakit na salita, pero patuloy pa rin na nagmamahal ang sinasaktan ang kalooban.
Sila ay may karamihan din ang bilang na kahit wala nang pag-asa o talagang patay na ang ningas ng pag-asa ay buhay na buhay pa rin ang pagmamahal. May iba pa ngang namatay na ang pag-asa, pero sa tuwing makikita ang minamahal, muling nabubuhay ang nararamdaman.
Sa iyong panaginip, ang gagamba ay sumisimbolo sa pagnanasa at bilang paglilinaw sa iyo, ang “pagnanasa” ay hindi pagmamahal o pag-ibig. Dito sa huli, sa pagmamahal, “love” ang katumbas pero sa una o pagnanasa, hindi love ang katumbas kundi “lust”.
Ang lust ay isang malakas na puwersa na naghahari sa tao, at dahil ito ay may kakaibang puwersa, talagang hindi ito basta-basta namamatay.
Ayon sa iyong panaginip, ikaw o ang pinsan mo ay pinagnanasahan. Kaya higit kailanman, ngayon n’yo kailangang magiging matibay at matatag dahil muli, ang “lust” ay malakas na puwersang naghahari o kumukubabaw sa isang tao.
Hindi naman mahirap tukuyin ang taong kinukubabawan ng lust at narito ang ilan sa mga palatandaan nila:
Kapag siya ay kausap, hindi niya maiwasang magsalita ng kalaswaan.
Kapag siya ay iyong nakatabi, ginagamit niya ang kanyang kamay at hinahawakan ang kanyang pinagnanasahan. Minsan, hindi kamay kundi idinidikit niya ang kanyang katawan sa kanyang “object of desire.”
Siya ay may kakaibang titig na tagos sa mga mata ng tinitigan, na ang tawag ay malalim na titig.
Hindi rin niya maiwasang tumingin o tumitig sa maseselang bahagi ng katawan ng kanyang pinagnanasahan. Ganundin sa ibang bahagi ng katawan tulad ng labi, pisngi, leeg at hita.
Ibayong pag-iingat ang kailangan para hindi siya magtagumpay at dapat tandaan na ang nahulog sa tukso ay nasisira ang buhay at hindi lamang ang buhay kundi ang mismong pagkatao.
Ito ang kahulugan ng inyong napanaginipan na gagambang hindi mamatay-matay.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comments