ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney Marso 21, 2024
Dear Chief Acosta,
Ikinasal ako noong taong 1990, subalit ako ay iniwan ng aking asawa at siya ay nangibang-bansa. Makalipas ang halos 10 taon ay nagpakasal akong muli, bagaman hindi pa napapawalang-bisa ang nauna kong kasal, at kami ng pangalawa kong asawa ay nagsasama pa rin hanggang ngayon. Sakali bang pumanaw ako ay makaka-claim ang ikalawang asawa ko ng benepisyo sa SSS bunsod ng pagiging miyembro ko rito sa napakahabang panahon? Paano naman kaya ang unang asawa ko, mayroon ba siyang karapatan na mag-claim sa SSS?
Ang balita ko kasi ay uuwi na ang unang asawa ko at dito na maninirahan muli sa Pilipinas. Sana ay malinawan ninyo ako. -- Daryl
Dear Daryl,
Nabanggit mo na ikaw ay pumasok sa dalawang kasunduan ng kasal. Ang ikalawa ay naganap kahit hindi pa napapawalang-bisa ang nauna mong kasal. Una sa lahat ay nais naming bigyang-diin na sa ilalim ng ating batas sibil, ang isang taong kasal na ay hindi maaaring magpakasal muli sa iba, kung hindi pa napapawalang-bisa ng hukuman ang nauna nitong kasal at buhay pa ang kanyang unang asawa. Ang pagpapakasal muli ay kinokonsidera bilang bigamous marriage. Alinsunod sa Artikulo 35 ng Family Code of the Philippines:
“Art. 35. The following marriages shall be void from the beginning:x x x
(4) Those bigamous or polygamous marriages not falling under Article 41; x x x”
Sa sitwasyon na inilapit mo, masasabing walang bisa ang iyong ikalawang kasal sapagkat nagpakasal kang muli kahit na ikaw ay kasal pa sa iyong unang asawa.
Sapagkat walang-bisa ang iyong ikalawang kasal, nawalan kayo ng iyong pangalawang napangasawa ng karapatan sa maraming aspeto ng inyong relasyon at pagsasama, kabilang na rito ang pagke-claim sa Social Security System o SSS ng benepisyo na nakaangkla sa pagiging legal na mag-asawa tulad ng death benefits. Nakasaad sa Section 13 ng Republic Act (R.A.) No. 11199, o higit na kilala bilang “Social Security Act of 2018”, kung kanino lamang maaaring ipagkaloob ang nasabing benepisyo:
“SEC. 13. Death Benefits. – Upon the death of a member who has paid at least thirty-six (36) monthly contributions prior to the semester of death, his primary beneficiaries shall be entitled to the monthly pension: Provided, That if he has no primary beneficiaries, his secondary beneficiaries shall be entitled to a lump sum benefit equivalent to thirty-six (36) times the monthly pension. If he has not paid the required thirty-six (36) monthly contributions, his primary or secondary beneficiaries shall be entitled to a lump sum benefit equivalent to the monthly pension times the number of monthly contributions paid to the SSS or twelve (12) times the monthly pension, whichever is higher.”
Ang primary beneficiaries ay limitado lamang ng nabanggit na probisyon ng batas sa legal na asawa, lehitimo at kinilalang hindi lehitimong anak, pati na rin ang anak na legitimated at legally adopted. Itinakda sa Section 8 ng R.A. No. 11199 ang mga sumusunod:
“SEC. 8. Terms Defined. – For purposes of this Act, the following terms shall, unless the context indicates otherwise, have the following meanings:
x x x
(e) Dependents – The dependents shall be the following:
(1) The legal spouse entitled by law to receive support from the member;
(2) The legitimate, legitimated or legally adopted, and illegitimate child who is unmarried, not gainfully employed, and has not reached twenty-one (21) years of age, or if over twenty-one (21) years of age, he is congenitally or while still a minor has been permanently incapacitated and incapable of self-support, physically or mentally; and
(3) The parent who is receiving regular support from the member
x x x
(k) Beneficiaries – The dependent spouse until he or she remarries, the dependent legitimate, legitimated or legally adopted, and illegitimate children, who shall be the primary beneficiaries of the member: Provided, That the dependent illegitimate children shall be entitled to fifty percent (50%) of the share of the legitimate, legitimated or legally adopted children: Provided, further, That in the absence of the dependent legitimate, legitimated or legally adopted children of the member, his/her dependent illegitimate children shall be entitled to one hundred percent (100%) of the benefits. In their absence, the dependent parents who shall be the secondary beneficiaries of the member. In the absence of all the foregoing, any other person designated by the member as his/her secondary beneficiary.”
Batay din sa nabanggit na probisyon ng batas, hindi maaaring mag-claim ang iyong unang asawa. Bagaman siya ang legal mong asawa, hindi siya maituturing bilang dependent spouse sa kadahilanang nabanggit mo na kayo ay matagal nang hiwalay.
Kung mayroong kang maiiwan na kuwalipikadong benepisyaryo ay maaaring sa kanila mapunta ang kaukulang benepisyo, alinsunod sa batas at mga alituntuning ipinapatupad ng SSS.
Para sa higit na detalyadong pagpapayo, mas mainam na personal kang magsadya sa SSS branch na pinakamalapit sa iyo at ipresenta ang lahat ng mga dokumento na mayroong kaugnayan sa nabanggit mong suliranin upang ikaw ay angkop na magabayan. Maaari ka ring magsadya sa pinakamalapit na opisina ng PAO upang mas mapayuhan ka namin nang lubos kaugnay ng iyong suliranin.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments