ni Lolet Abania | September 5, 2021
Patay ang isang 14-anyos na dalagita matapos na ma-trap sa silid nito habang nasusunog ang kanilang tirahan sa Barangay Pulanglupa Dos, Las Piñas City ngayong Linggo nang umaga.
Batay sa Bureau of Fire Protection (BFP) ng Las Piñas City, sumiklab ang sunog pasado alas-8:30 ng umaga sa isang bahay sa Acacia St., Camella Homes Phase 5 Subdivision.
Ayon sa officer-in-charge ng arson investigation ng BFP-Las Piñas City na si SFO1 Mar Fajardo, nagsimula ang apoy sa isang kuwarto sa unang palapag ng naturang tirahan.
Sa salaysay ng may-ari ng bahay sa BFP, tumambad sa kanila ang maitim na usok pagbukas nila ng pintuan ng kanilang silid kaya agad niyang pinalabas ang kanyang misis at nanay.
Isang kapitbahay naman ang nagpahiram ng fire extinguisher subalit hindi naman ito gumana.
Tinangka pang sagipin ng tatay ang kanyang anak na natutulog pa sa ikalawang palapag ng bahay subalit mabilis na kumalat ang apoy habang nasunog na rin ang kisame ng bahay.
Sinabi pa ng BFP, gawa sa light materials ang malaking bahagi ng tirahan kaya agad itong natupok.
Narekober ang katawan ng dalagita sa kama nito matapos na maapula ang apoy. Nakaligtas naman ang dalawang nakatatandang kapatid ng dalagita, pati na ang nakatira sa kuwarto sa ground floor dahil nasa vaccination site ang mga ito para magpabakuna.
Sa ngayon, iniimbestigahan na ng BFP, ang naging sanhi ng sunog habang iprinoseso na rin ng SOCO ang lugar.
Gayundin, inaalam pa ng mga awtoridad ang halaga ng pinsala matapos ang sunog.
Comments