top of page
Search
BULGAR

Dalagang pumatol sa pari, beybi sa sinapupunan gusto nang ipa-abort

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | November 27, 2023


Dear Sister Isabel,


Ulilang lubos na ako, pero may maganda naman akong trabaho ngayon. Masaya naman ako dahil sa pagiging palasimba ko. Masaya ako t’wing natatapos ko na ang aking duty sa simbahan. Ganyan ang buhay ko araw-araw. Nakasanayan ko na hindi gaanong lumabas ng bahay maliban na lamang kung magsisimba.


Hindi ako sanay makihalubilo sa aking mga kapitbahay. Naguguluhan ako kapag maraming tao sa aking paligid kaya kapag nasa bahay ako, mas nag-eenjoy ako kahit mag-isa lang ako.


Nagsusulat din ako ng mga tula, kuwento at sanaysay. Kuntento na ako sa ganitong buhay. Ang problema ko ay nagkaroon ako ng kaugnayan sa aming pari. Nagkaroon kami ng something, lihim kaming nagtatagpo sa labas. Masaya kami pareho kapag magkasama kami. Alam naming kasalanan ito, pero wala kaming magagawa.


Hanggang sa natuklasan kong buntis ako. Opo, Sister Isabel, nabuntis ako ng paring karelasyon ko. Hindi ko na alam kung itutuloy ko pa ba ang pagbubuntis ko para makaiwas sa iskandalo o papayag ako sa mungkahi ng pari kong boyfriend na magpakalayu-layo na lang sa lugar namin. Dadalawin niya na lang umano ako paminsan-minsan.


Ano ang dapat kong gawin? Susundin ko ba ang payo ng pari kong nobyo o mas maiging itigil na lang namin ang aming relasyon? Gulung-gulo na ang isip ko. Sana mapayuhan n’yo ko sa dapat kong gawin. Iniisip ko na kasing ipa-abort ito. 2 months palang naman ito. Hindi pa siya baby. Ano ang aking gagawin, Sister Isabel? Tulungan n’yo ako.


Nagpapasalamat,

Sharon ng Nueva Ecija


Sa iyo, Sharon,


Ayan na nga ba ang sinasabi ng marami, hindi lahat ng pari ay matino. Mayroon ding mahilig sa babae at nakikipagrelasyon ng lihim. Kung sabagay, tao lang sila. Normal sa isang lalaki ang makipagkaibigan sa mga babae at matukso sa tawag ng laman.


Ang maipapayo ko sa iyo, putulin mo na ang relasyon mo sa paring nakabuntis sa iyo.


Lumayo ka na sa lugar na iyan at du’n mo isilang ang sanggol sa sinapupunan mo.


Huwag na huwag mo ‘yan ipapa-abort. Malaking kasalanan sa Diyos ang iniisip mo.


Nand’yan na ‘yan, kaya pangatawanan mo na. Tanggapin mo na lang na ikaw ay biktima ng mapagbirong tadhana. Humingi ka ng tawad sa Diyos dahil sa pagpatol mo sa isang pari na walang karapatang mag-asawa dahil sa propesyong kanyang pinasok na ang sinumpaang mamahalin at paglilingkuran habambuhay ay si Hesukristong ating Panginoon lamang. Inuulit ko, huwag mong ipalaglag ang bata sa iyong sinapupunan.


Malay mo, maging pari rin ‘yan. Ikaw ang napili ng Diyos na maging ina. Mahiwaga ang buhay na tanging Diyos lamang ang nakakaalam. Harapin mo ng buong tapang ang nangyari sa iyo.


Tutulungan ka ng Diyos. ‘Yan ang isipin mo. Hindi ka niya pababayaan, at sana ‘di na maulit ang pagpatol mo sa pari. Naniniwala akong may nakalaan pa sa iyo na magiging kabiyak ng puso mo na kung saan, liligaya at magkakaroon ka ng sariling pamilya.


Makakatagpo ka na ng lalaking walang sabit na inilaan sa iyo ng tadhana, at matatanggap ka niya bilang ikaw kahit may anak ka na.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page