ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | Nov. 1, 2024
KATANUNGAN
Graduate na ako ng nursing. Kaya lang, kalahating taon na akong naghihintay sa inaasahan kong pag-a-abroad sa Europe, but until now hindi pa rin ako nakakaalis.
Kaya gusto kong ipabasa ang guhit ng aking palad, sulat kamay at signature para malaman ko kung may dapat pa ba akong baguhin upang mabago naman ang takbo ng aking buhay.
KASAGUTAN
Para makapag-abroad ka at suwertehin sa lahat ng aspeto ng buhay, dapat mong lakihan ang iyong lagda, higit lalo ang lower loop o bilog na bahagi ng letrang “y”. Sa ganyang paraan, kapag nilakihan mo na ang pagkakasulat ng iyong lagda at nilagyan mo na ng bilog at magandang buntot ang letrang “y”, tiyak ang magaganap, kasunod ng pagbabago sa iyong lagda, tuluy-tuloy mo na ring matutupad lahat ng iyong pangarap.
Dagdag dito, bukod sa birth date mong 3, ikaw din ay nagtataglay ng destiny number na 4 (4+3+1995=2002/ 20+02=22/ 2+2=4). Ibig sabihin, may mga biglaan at hindi inaasahang suwerte ang darating para sa iyo. Bago ka ring tuluyang magtagumpay at lumigaya, kailangan mo munang makaranas ng mga pagtitiis, paghihintay at pagsubok. Sa sandaling napagtiisan mo ‘yan at nanatili kang strong o matatag, walang duda, tuluy-tuloy ka nang mananaig at magtatagumpay anuman ang pangarapin at hangarin mo.
Samantala, kapansin-pansing may maliit na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, at dahil hindi masyadong malawak at hindi masyadong malinaw, tunay ngang dapat mong paghirapan ang pangingibang-bansa. Ibig sabihin, asahan mo na hindi magiging madali sa iyo ang pag-a-abroad, pero kung magsisikap ka, tiyak na may suwerteng darating para sa iyo. Sa bandang huli, ibibigay din ng langit ang iyong inaambisyon na makapag-abroad at matutupad mo na rin lahat ng mga maluluho mong pangarap sa buhay.
DAPAT GAWIN
Edralyn, kung susundin mo ang lahat ng suwestyon na binanggit sa itaas, paniguradong makakapag-abroad ka at ito ay nakatakdang mangyari at maganap sa susunod na taong 2025, sa edad mong 30 pataas.
Comments