ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | June 23, 2023
KATANUNGAN
Matagal na gumugulo sa isipan ko ang problema ko, kaya naglakas loob na akong sumangguni sa inyo. Umiibig ako ngayon sa isang lalaking may asawa na. Gusto ko man pigilan ang nararamdaman ko, kaya lang ay hindi ko magawa, araw-araw kaming nagkikita at maganda naman ang pakikitungo niya sa akin, at 23-years-old palang ako.
Balak kong mag-resign, para maiwasan ko siya, pero hindi ko magawa dahil ako lang ang inaasahan ng pamilya ko. Hindi ko maisip kung bakit nagkaganito ang love life ko at kung bakit ako nagkagusto sa isang lalaking pamilyado na.
Maestro, sa palagay mo ba kailangan ko nang iwasan ang lalaking ito o dapat na akong mag-resign sa pinagtatrabahuan ko?
Natatakot ako na baka malaman ng misis niya ang ginagawa namin, at panigurado ay malaking gulo at iskandalo ang aabutin ko.
KASAGUTAN
Kapag gumawa ka ng kasalanan, dapat malayo pa lang pinaghahandaan mo na ang consequences na maaaring kahihinatnan ng iyong ginawang kalokohan.
Sa ganu’ng paraan, kung sakaling dumating ang sitwasyon na nahuli kayo ng misis ng lalaking kalaguyo mo ay hindi ka mabibigla, sa halip ay may alternative plan ka.
Ganu’n lang kasimple ‘yon! Pero kung wala ka namang plano kung sakaling mabisto kayo, mas mabuti pang itigil mo na ‘yan, kaysa dumating pa sa buhay mo ang mas malaking problema at kahihiyan. Kaya dapat mo nang putulin ang kaimoralan na ginagawa niyo, upang hindi ka mapahamak.
Samantala, nakakatawang makitang na may matino at maganda kang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na hindi kayo magkakatuluyan ng kasalukuyang karelasyon mo, sa halip siya ay tumubo sa iyong palad bilang “fling o panandaliang ugnayan lamang” (Drawing A. at B. r-r arrow b.) kaya tulad ng iyong plano, kung susubukan at pipilitin mong iwasan ang nasabing lalaki, kahit mahirap at kahit na araw-araw pa kayong nagkikita. Kung nararamdaman na niyang wala ka nang feelings para sa kanya, makikita mo, hindi ka na niya kukulitin pa. Sa halip, siya na mismo ang kusang iiwas sa iyo.
MGA DAPAT GAWIN
Ayon sa iyong datos, Leilannie, determinasyon at will power ang kailangan mo, ‘di mo na kailangan pang mag-resign upang maiwasan ang lalaking gumugulo sa iyo.
Sabihin mo sa kanya ang katagang ito“Itigil na kaya natin, kasi natatakot na ako sa maaaring mangyari, at isa pa wala na akong feelings para sa iyo.” At makikita mo, iyon din ang kusang mangyayari.
Tulad ng nasabi na, ayon sa iyong datos, sa sandaling makipag-break ka sa kanya, iiwasan ka na rin ng lalaking nabanggit. Mahal ka rin naman niya, ngunit palalayain ka niya, upang muli kang makabalik sa tamang landas. Sa pagdating ng taong 2025, sa edad mong 25 pataas (1-M arrow a.) magkaka-boyfriend ka, at makakapangasawa ng isang mas karapat dapat na lalaking nakalaan para sa iyo na hahantong sa isang maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.
Comments