ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | July 11, 2023
KATANUNGAN
Ang problema ko, Maestro, ay tungkol sa lovelife ko at ito ang concern ko kaya naisipan kong sumangguni sa inyo. Nagka-boyfriend na ako rati noong nag-aaral pa ako sa college, kaya lang ay hindi nagtagal ang aming relasyon at mula noon ay hindi na muli ako nagka-dyowa.
Ask ko sana kung kailan kaya ako magkaka-boyfriend at kung sakaling magkaroon ako ng relasyon sa taong ito o sa taong 2024 siya na kaya ang mapapangasawa ko?
Sa edad ko kasing 32, gusto ko nang mag-asawa, kaya lang paano naman ako makakapag-asawa kung wala naman akong boyfriend, kaya labis akong nababahala na baka hindi na ako magka-boyfriend kahit kailan.
KASAGUTAN
Hindi ka dapat mabahala, o mag-alala, Mia, na baka ikaw ay tumandang dalaga o hindi na magka-boyfriend kahit kailan, ganyan talaga ang buhay, kung minsan sadya talagang medyo “late” o medyo “huli na” kung dumating ang love life o ang makulay na buhay pag-ibig sa isang indibidwal na tulad mo, pero kapansin-pansin pa rin naman ang malinaw, makapal at mahabang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Ibig sabihin, ang nagsasabing tanda ay nagbabalita, na magalak at magsaya ka, hindi lamang dahil malapit na ang birthday mo, sapagkat kahit abutin pa ka ng edad na 33, o kahit na 34 pa, 'wag kang mag-alala, dahil walang duda, sa takdang panahon na inilaan ng kapalaran, magkaka-boyfriend kang muli sa ikalawang pagkakataon hanggang sa tuluyan ka nang makapag-asawa at magkaroon ng isang maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.
Ang pagkakaroon ng boyfriend ay tinatayang mangyayari at magaganap, humigit kumulang sa taong kasalukuyan 2023 sa edad mong 32 pataas. Ang pag-aanalisang magiging significant year mo ang taong 2023 ay madali namang kinumpirma ng destiny number mong 7 kung saan, ang numero 7 ay mapalad ngayong taong ito ng 2023. Dahil ang sumatotal ng taong 2023 ay 7 (20+23=43/ 4+3=7) na sadyang suwerte para sa mga taong may destiny number na 7, na tulad mo. Kaya 'yun nga ang tiyak na magaganap, sa panahong ito ng iyong buhay sa edad mong 32, magkaka-boyfriend ka na at maaari ring sa edad mo namang 33 sa susunod na taong 2024 ay tuluyan ka na ring makapag-asawa.
DAPAT GAWIN
Mia, ayon sa iyong datos, tiyak ang magaganap, sa taong kasalukuyan sa edad mong 32 pataas, sa buwan ng Setyembre o kaya’y Oktubre, matutupad na ang matagal mo ng hiling at ang pinapangarap sa buhay – magkaka-boyfriend ka ng isang lalaking isinilang sa zodiac sign na Virgo, hanggang sa sumapit ang taong 2024 sa edad mong 33, ang lalaking magiging boyfriend mo sa taong ito ng 2023, ang siya mo na ring mapapangasawa at makakasama sa pagbuo ng isang simple pero maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.
留言