top of page
Search
BULGAR

Dalaga na nakatakdang mabalo, mas liligaya sa ikalawang mapapangasawa

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Enero 28, 2024



KATANUNGAN

  1. May boyfriend ako ngayon at niyayaya na niya akong magpakasal. Wala namang problema dahil nasa wastong edad na kami. Kaya lang, putol at nabiyak ang Heart Line ko, habang nakabaluktot naman pababa ang unang Marriage Line sa aking palad. Sa pagkakaalam ko, ‘pag ganu’n ang guhit ay mahihiwalay sa asawa o mababalo. Tama ba ito, Maestro?

  2. ‘Yun ang gumugulo sa isipan ko kaya ngayon ay natatakot akong mag-asawa. Kung totoong ganu’n ang mangyayari base sa pagkakaintindi ko, tama ba ang iniisip kong ‘wag na lang mag-asawa upang hindi ako makaranas ng kalungkutan kung sakaling mawala ang lalaking pakakasalan ko?

 KASAGUTAN

  1. Wala namang buhay na permanenteng masaya o palaging maligaya. Kahit saang lugar sa mundo at kahit ano’ng sitwasyon, palaging may kalungkutan at problema. Kung meron mang lugar o bagay na “laging masaya”, ito ay sa mga kuwento lamang ng pag-ibig na nababasa natin sa mga fairy tale at pocket book. 

  2. Pero sa totoong buhay, tama ang ateistang pilosopo na si Arthur Schopenhauer. Sabi niya, “Kung itutuloy lang ang istorya sa natapos na nobela, tiyak na ang bida o prinsipe at ang prinsesa ay hindi naman magiging maligaya habambuhay. Siguradong kapag itinuloy ang kuwento, daranas din sila ng magulong buhay at sari-saring mga problema.” Posibleng maubusan ng pambili ng bigas ang mag-asawa at maaari ring magkasakit ang kanilang mga anak. Posible ring mambabae si mister o manlalaki si misis at maaaring mawalan ng trabaho si mister o magkasakit si misis. At sa bandang huli ay magkakasakit ang prinsesa at prinsipe, tatanda at mamamatay. 

  3. Ang mga senaryong nabanggit sa itaas ay ang katotohanan ng buhay na isinulat ni Schopenhauer sa kanyang aklat na The World as Will and Idea. Sabi niya, “As in popular fiction, the story must be ended when after interminable vicissitudes, the hero and heroine are happily wedded, for if the narrative continued, the reality of repeated misfortune would eventually prove, that life must be some kind of mistakes and that it is a sin to be born.” Ibig sabihin, hindi masarap ang buhay, sa halip ang buhay ay punumpuno ng pagdurusa. 

  4. Buti na lang, iba ang pananaw ng dakilang pintor na si Leonardo Da Vinci hinggil sa mga dinaranas nating pagdurusa, problema at kasawian sa buhay. Sabi Da Vinci, “There is no perfect gift without great suffering.” Ibig sabihin, bahagi ng buhay ang pagdurusa upang pagkatapos nito, ikaw naman ay lumigaya.

  5. Kaya nga kung ang itinakda sa iyo ng kapalaran ay mawalan ng asawa, ‘wag kang matakot na danasin ito dahil hindi porke nawala ang iyong asawa ay tapos na ang istorya ng iyong buhay. 

  6. Sa totoo lang, kabaligtaran ng sinasabi ni Schopenhauer, “Hindi natatapos ang kuwento ng trahedya at drama sa kalungkutan. Bagkus, kahit mamatay ang bida, kapag itinuloy ang istorya, ang pagkawala ng bida ay siya namang magiging simula upang lumabas ang ikalawang bida, na siyang magbibigay ng panibagong sigla at pag-asa sa mga manonood at mambabasa.” Sa termino ng mga nasyonalismo, “Kahit mamatay ang mga bayani, may mga bagong bayani na muling isisilang.”

  7. Kaya Trishia, maaaring tama ka, negatibo nga ang nais ipahiwatig ng nabiyak o naputol na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow a.) na sinuportahan pa ng unang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, na nagsasabing may tendency na sa iyong pag-aasawa, ikaw ay mabalo. 

  8. Subalit tulad ng naipaliwanag na, hindi naman sa pagkawala ng iyong asawa natatapos ang kuwento at drama ng iyong buhay. Sa halip, kapag itinuloy ang kuwento, simula palang ‘yun ng susunod na senaryo sa pagpihit ng maningning na camera kung saan ayon sa ikalawang mas malinaw, tuwid at mas magandang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow c.), sa ikalawang pag-aasawa, walang duda, habambuhay ka nang liligaya.  

 

DAPAT GAWIN

Kaya hindi ka dapat matakot na harapin ang hamon ng tadhana. Mawala man ang una mong asawa, okey lang ‘yun sapagkat kapag itinuloy ang istorya ng iyong buhay, hindi ito matatapos sa pagkawala ng iyong asawa. Bagkus, sa ikalawang pag-aasawa, sigurado na ang magaganap — may pangako ng mas maligaya at panghabambuhay na pagsasama, (Drawing A. at B. 2-M arrow c.), upang minsan pa, muli na namang mapatunayan ang katotohanan sa sinasabi ng dakilang pintor na si Leonardo Da Vinci, “There is no perfect gift without great suffering.”

 

 

 


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page