ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | September 7, 2020
Dear Doc. Shane,
Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol sa creatinine? Bakit kaya ito tumataas gayung malakas naman ako uminom ng tubig? – Alfred
Sagot
Ang creatinine ay waste product na nagmumula sa pagtatrabaho ng ating muscles. Tuwing gagalaw ang ating muscles ay nagkakaroon ng breakdown ng Creatinine Phospate sa muscle at isa ang creatinine sa mga produkto nito.
Napapanatili sa normal na level ang creatinine sa dugo dahil tinatanggal ito ng ating mga kidneys mula sa dugo.
Ang Serum Creatinine ay ang pinakamadalas na gamiting test para malaman kung may depekto o sira ang kidneys dahil madali itong gawin at mura pa. Kapag ang ‘crea’ ay mataas, madalas ang ibig sabihin ay may sira ang bato dahil hindi na nito naaalis ang creatinine sa dugo kaya ito naiipon.
Ang serum creatinine ay hindi 100% accurate. Hindi lahat ng may mataas na creatinine ay may sakit sa bato. Puwedeng mataas ang creatinine, subalit normal ang bato sa mga sumusunod:
Malaki ang muscle mass
Kumakain ng mas maraming karne
Gamot tulad ng trimethoprim, ranitidine
Error sa laboratory (dahil sa mga gamot o chemicals na nakakagulo sa mga assay)
Hindi rin lahat ng may mababa ang creatinine ay walang sakit sa bato. Puwedeng mababa ang creatinine subalit may sakit sa bato ang mga sumusunod:
Malnourished o payat
Matatanda
Buntis
May sakit sa atay
Comments