ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | February 20, 2021
Dear Doc. Shane,
Madalas kapag ako ay nag-eehersisyo o naglalaro ng basketball ay pinupulikat ang aking binti. Hindi ko alam kung dahil ba sa pagod o may problema sa akin? Ano ba ang sanhi nito? – Nick
Sagot
Sa leg cramps o pamumulikat, ang tinatamaan nito ay ang “calf muscles” sa binti. Ito ang muscle na madalas nating iginagalaw.
Narito ang ilan sa mga dahilan kung bakit pinupulikat ang tao:
labis na pag-eehersisyo o activities na masyadong pisikal
paulit-ulit na paggamit ng parehong muscle
nakatayo nang matagal
pag-upo nang hindi wasto o nakabaluktot ang dakong binti at paa
pagtulog na nakatutok ang electric fan o aircon sa mga binti
Samantala, kung pinupulikat habang lumalangoy, huwag mag-panic. Piliting mag-float lamang sa tubig habang nagaganap ito. Kapag tapos na ang atake ng pulikat, marahang ikampay ang mga paa hanggang sa makahingi ng tulong sa mga kasamahan.
Ang mga naglalaro ng basketball ay karaniwan ding pinupulikat. Matindi kasi ang pressure ng calf muscles habang nagba-basketball. Kung nagiging madalas ang atake ng pulikat, maiging magpa-blood test para sa level ng calcium sa dugo. Ang mababang level ng blood calcium na tinatawag na “hypocalcaemia” ang isa sa posibleng sanhi ng pamumulikat.
Kumain ng pagkaing mayaman sa calcium tulad ng keso, dilis, gatas, at iba pang dairy products. Narito ang remedyo sa pamumulika:
Kung nararamdaman ang pagdating ng pamumulikat, lalo na kung natutulog, iunat lamang ang apektadong binti, at piliting higitin pataas ang dulong daliri ng paa. Kung nakaupo, iunat din ang buong binti’t paa at abutin ng kamay ang mga paa.
Hatakin ang dulong daliri ng mga paa papunta sa direksiyon ng katawan (toes pointing upwards). Panatilihin ang posisyon sa loob ng ilang minuto hangga’t may pulikat pa.
Comments