ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | December 7, 2020
Dear Doc. Shane,
Bakit kapag may diabetes ang tao ay nagiging palaihi ito lalo na sa gabi? Minsan ay tatlo hanggang apat na beses ako kung umihi kaya napupuyat ako. Sadya bang ganu’n kapag diabetic? – Bong
Sagot
Sa sakit na diabetes ay parang tubo lang ang katawan ng tao — ang tubig na iniinom ay inilalabas din agad sa katawan sa pamamagitan ng ihi.
Tinatapon ng katawan ang sobrang asukal sa dugo sa ihi kaya ang pasyente ay ihi nang ihi. Sa kakaihi ay nauuhaw, kaya inom din nang inom ng tubig.
Paikut-ikot lang, iinom tapos iihi rin. Ganyan ang nangyayari kapag hindi kontrolado ang diabetes at mataas ang asukal sa dugo. Kaya ang madalas na pag-ihi (polyuria) at palaging nauuhaw (polydipsia) ay mga sintomas ng diabetes. Kadalasan ay nawawala ito o naiibsan kapag umiinom ng gamot o nagda-diet at exercise na kasi bumababa na ang asukal sa dugo.
Ang salitang “mellitus” naman ang ibig sabihin ay “honey” o “sweetened” sapagkat ang ihi ng may diabetes ay matamis.
Ang tawag sa pagkakaroon ng asukal (glucose) sa ihi ay “glucosuria” o “glycosuria.” Sinasala ng mga bato (kidneys) ang dugo. Ang asukal ay kailangan ng katawan kaya ina-absorb ito ng bato, at ang mga basura sa dugo ay tinatapon na sa ihi. Pero may limit lang ang kayang i-absorb ng kidneys. Kapag ang asukal sa dugo ay lumagpas na sa 180 mg/dL ay hindi na ito maa-absorb ng kidneys kaya lumalabas na ang asukal sa ihi. May sumasamang tubig sa asukal kaya dumadami ang ihi.
Kadalasan mas napapansin kung ihi nang ihi ay sa gabi. Nakakaistorbo ito sa pagtulog kung kailangang bumangon nang dalawang beses o higit pa sa gabi para lang umihi. Kaya tinatanong din ito ng doktor dahil puwede itong sintomas ng diabetes o mataas na asukal sa dugo. Ang tawag sa malimit na pag-ihi sa gabi ay “nocturia.”
Hindi lahat ng madalas umihi o ihi nang ihi sa gabi ay dahil sa diabetes. Maraming ibang puwedeng dahilan, halimbawa ay buntis, may impeksyon sa ihi o kung may problema sa prostate sa kalalakihan. Ang mahalaga, kung nakararamdam nito ay kumunsulta sa doktor para malaman kung ano ang sanhi ng madàlas na pag-ihi at kung kinakailangan ng gamot para rito.
Comments