ni Sr. Socrates Magnus II - @Karunungang Lihim| July 3, 2020
Bigyang-daan natin ang mahahalagang bagay na dapat nating isabuhay, may COVID-19 pandemic man o wala.
Ang tao ay nilikha hindi para tumunganga. Hindi rin siya itinulad sa mga bato na hindi umaalis sa kanilang puwesto.
Pansinin mo ang iyong sarili. Binigyan ka ni God ng mga kamay para gawin ang gusto mong gawin, pero hindi puwede na hindi ka aalis sa kung saan ka natayo, kaya binigyan ka ni God ng mga paa.
Pansinin mo ang posisyon ng mga paa na paharap at agad mong maiisip na kailangan mong humakbang at puntahan kung saan ka liligaya at makakaharap ang iyong tagumpay.
Puwede rin namang hindi humakbang ang mga paa, pero hindi puwedeng laging ganu’n dahil ang mga paa ay nilikha para makahakbang ang tao. Puwede ring umatras ang mga paa, pero hindi puwedeng paatras maglakad, kaya alam mo na agad na ang mga paa mo ay ibinigay sa iyo para umabante ang buhay mo.
May COVID-19 man o wala, hindi puwedeng mapagilan ang sinuman na hindi humakbang ang kanyang mga paa at kahit ang tao ay makaranas ng paulit-ulit na kabiguan, wala pa rin siyang magagawa kundi ihakbang ang kanyang mga paa.
Muli, hindi hakbang paatras, hindi rin puwede ang lakad na patagilid dahil ang gusto ni God ay sumulong ang ating buhay.
Ito ang isa sa lihim ng katawan ng tao, pero hindi naman kalihim-lihiman dahil madali rin namang makuha na dapat tahakin ng mga paa ang landas ng katuparan ng kanyang mga pangarap.
Kaya takot ka man o hindi sa COVID-19, ang asikasuhin mo mula ngayon ay kung paano ka mabubuhay nang maayos at habang nabubuhay ka, dapat ay nakasentro ang lahat ng lakas mo kung paano gaganda ang iyong kinabukasan.
Ang “ngayon” ay lumilipas at nagiging “kahapon” habang ang kahapon ay hindi na babalik, kaya iisa lang ang tunay na mahalaga sa buhay ng tao at ito ay ang kanyang hinaharap.
Kumilos ka para sa iyong hinaharap. Mag-isip ka para sa iyong hinaharap at muli, iisa lang ang dapat pagtununan ng lakas ng tao at ito ay ang kanyang hinaharap na makikitang inilalarawan ng mga paa ng tao kung saan ang paa ay sa hinaharap papunta.
Itutuloy
Comentários