top of page
Search
BULGAR

Dahilan kaya may mga taong pinagtagpo pero hindi itinadhana

ni Mharose Almirañez | September 4, 2022





Love is unpredictable. Kapag tinamaan ka, tinamaan ka.


‘Yung tipong, iindahin mo ang lahat ng red flags na mayroon siya kasi walang ibang tama sa paningin mo kundi siya lamang. ‘Yung tipong, gusto mong itama ang mali at gawing puwede ang hindi, makasama lamang siya. Kumbaga, kahit alam mong mali ay ipaglalaban mo pa rin. Wala, eh, nagmahal ka kasi!


Ngunit siyempre, hindi natin ito-tolerate ang adultery, infidelity, unfaithfulness at cheating sa artikulong ito. Pero, paano nga ba natin ma-a-analyze ang puwede at hindi puwede sa isang relasyon?


Bilang concerned citizen, narito ang ilang senaryo na nagsasabing, pinagtagpo lamang kayo pero hindi itinadhana kung:


1. MAY DYOWA O ASAWA NA SIYA. ‘Yung akala mo, single siya kaya pinatulan mo siya, pero kalaunan ay nalaman mong may sabit pala siya at muntik ka pang maging kabet. Naku, beshie, ‘wag mong i-romanticize ang salitang, “You and I against the world,” sapagkat hindi mo deserve maging third party. Siguro, may mga taong pinagtagpo para magkaroon ng thrill ang boring nilang love life, pero hindi para makuntento sa kung ano lamang ang puwede nitong ibigay sa ‘yo.


2. NAKABUNTIS SIYA NG IBANG BABAE. Kapag alam mong may batang involved, sumuko ka na. Huwag kang magpamanipula sa sasabihin niyang, “Paninindigan ko lang ‘yung bata, pero ikaw pa rin ang mahal ko. Hindi tayo magbe-break,” sapagkat kung talagang mahal ka niya ay hindi siya mambubuntis ng iba. Isipin mo na lamang na kung ipagpapatuloy n’yo ang inyong relasyon ay may isa na namang inosenteng sanggol ang madadagdag sa listahan ng mga broken family. Sabihin n’yo mang, “True love conquers all,” ngunit may mga tao talagang pinagtagpo lang, pero hindi itinadhana. Huwag mong ipilit kung hindi puwede lalo’t may batang apektado.


3. TUTOL ANG PAMILYA. Ipagpalagay nating mayaman ang pamilya niya, samantalang simpleng pamumuhay lamang ang mayroon kayo. Kadalasan, estado sa buhay ang pinakamalaking hadlang kaya hindi nagkakatuluyan ang dalawang nagmamahalan. ‘Yung tipong, mamatain ka ng buong angkan niya to the point na sila pa mismo ang mangpe-pressure sa iyo. So, beshie, what if, offer-an ka ng mga magulang niya ng P1-M para lamang lubayan ang anak nila, tatanggapin mo ba?


4. HINDI PA SIYA READY MAG-COMMIT. ‘Yung tipong same vibes kayo at aminado kayong pareho n’yong gusto ang isa’t isa, pero hindi puwedeng maging kayo, sapagkat hindi pa siya handang pumasok sa panibagong relasyon. Aniya, self-love raw muna siya. Kunsabagay, paano niya mamahalin ang iba kung mismong sarili niya ay hindi niya alam kung paano mahalin? Ipagpalagay nating sumugal nga siya sa relasyong hindi pa siya handa, ang ending ay magsusumbatan at mag-aaway lamang kayo hanggang mauwi sa hiwalayan.


5. HINDI PA SIYA NAKAKA-MOVE ON SA EX NIYA. Kahit pa sabihing ex na ‘yun, ano’ng laban mo kung mas matagal ang pinagsamahan nila? Hindi ka naman siguro masokista para pumayag maging panakip-butas, ‘di ba? Siguro nga, may taong pinagtagpo lamang para i-comfort ang isa’t isa.


6. PAREHONG GENDER ANG GUSTO N’YO. Pasintabi sa LGBTQ+ members, baka nga naman parehong lalaki ang gusto n’yo o baka parehong girl ang bet n’yo? Beshie, kahit maglupasay ka pa sa sahig para lamang mabaling sa ‘yo ang puso niya ay hinding-hindi mo siya mapipilit dahil parehong kasarian ang gusto n’yo.


7. MAGKAIBIGAN KAYO. Marahil, pinagtagpo lamang kayo para maging walking diary ng isa’t isa, pero hindi para sa isa’t isa. May ilang magkaibigan na nagka-in love-an, pero piniling mag-stay as friends, sa halip i-level up ang kanilang relationship, upang i-keep ang friendship, dahil sabi nga nila, “Friends can be lovers, but lovers can’t be friends.”


Ngayong alam mo na ang struggles na pinagdaraanan ng bawat nagmamahal— ang tanong, gugustuhin mo pa rin bang ma-in love?

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page