ni Lolet Abania | March 4, 2022
Mariing ipinaalala ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa publiko na dapat pa ring sumunod sa mga health protocols kaugnay sa COVID-19 sa kabila na niluwagan na ang alert level restrictions sa maraming lugar sa bansa.
Sa isang interview nitong Huwebes, sinabi ni Vergeire na batid ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) na wala nang physical distancing sa mga public transportation na pinayagang mag-operate ng 100% capacity.
“Ang isa pang napag-usapan hindi talaga maipapatupad ang physical distancing sa ating mga public transport because kailangan po ng tao eh, para makarating sila sa kanilang mga essential na gagawin,” sabi ni Vergeire.
“Kelangan lang po talaga meron po tayong adequate enforcement. Enforcement to monitor, eto pong mga pagpapatupad ng safety protocols,” dagdag niya.
Iginiit din ni Vergeire na hindi maaaring kumain o uminom at mag-usap-usap sa loob ng public utility vehicles (PUVs) at hindi rin puwedeng tanggalin ang face mask kapag nasa loob ng public transport, kung saan kailangang mahigpit na ipatupad, habang pakiusap niya sa mga operators at drivers ng public transport na hindi dapat lumagpas sa 100% seating capacity lamang ang mga pasaherong kanilang isinasakay.
“Ang naobserbahan po natin for these past days na nag-Alert Level 1 tayo, beyond 100% capacity po ang naipapatupad, wala pong nag-e-enforce, walang nagmo-monitor, katulad sa mga bus, lahat dapat nakaupo, wala na pong nakatayo para hindi masyadong siksikan,” diin ni Vergeire.
Comments