ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Nov 16, 2024
NAGING SAFEST CITY ANG DAVAO, NAGING SAFEST COUNTRY ANG ‘PINAS DAHIL SA TAPANG NI EX-P-DUTERTE -- Sa pagdinig sa Quad Committee ng Kamara ay sinabi ni ex-P-Duterte na para maging mapayapa ang pamumuhay ng kanyang mga kababayan sa Davao City, kailangan niyang magpakita ng tapang noong siya pa ang alkalde para puksain ang mga tulak, durugista at mga kriminal sa lungsod.
Ang pagiging palaban sa mga tulak, durugista at kriminal sa Davao City ay nagustuhan ng majority Pinoy kaya iniluklok siya bilang presidente ng bansa noong May 2016.
At sa totoo lang, ang pagiging matapang ni ex-P-Duterte laban sa mga tulak, durugista at kriminal ay may kinahinatnan naman, at hindi maitatanggi na naging mapayapa ang pamumuhay ng mamamayan, at patunay diyan ang data na rank 2 ang Davao City sa safest city sa buong Asya at rank 3 naman ang Pilipinas sa safest country sa buong Southeast Asia, palakpakan naman diyan!
XXX
SA TAPANG NI EX-P-DUTERTE KAYA MINAHAL SIYA NG MAMAMAYAN AT LAGING PANALO SA HALALAN -- Minahal ng mayoryang mamamayan ang pagiging matapang na lider ni ex-P-Duterte. Pero, matapang lang naman siya sa mga tulak, durugista at kriminal at hindi sa mga inosente o ordinaryong mamamayan.
Patunay na siya ay minahal ng publiko dahil mula nang pasukin niya ang pulitika ng maging Officer-in-Charge (OIC) vice mayor ng Davao City noong 1986, at kumandidato noong 1988 hanggang 2016 o halos tatlong dekada, ay never pa siyang natalo, lagi siyang panalo sa halalan, sa pagiging mayor, congressman, vice mayor hanggang presidente, period!
XXX
MARAMING NAPATAAS ANG KILAY NANG IBIDA NI REP. CARDEMA NA ANG DUTERTE YOUTH PARTYLIST LANG NILA ANG KUMAKALABAN SA MGA DURUGISTA, KRIMINAL AT KOMUNISTA -- Marami ang napataas ang kilay nang umepal si Duterte Youth Partylist Rep. Ducielle Cardema nang ibidang mahal niya ang Inang Bayan dahil nag-iisa lang daw ang partylist nila sa Kamara na kumakalaban sa mga durugista, kriminal at komunista.
Dahil sa sinabi niyang iyan, sinermunan ito ng mga kapwa niya kongresista, sinabihan siya nina Antipolo City Rep. Romeo Acop at Surigao Del Norte Rep. Ace Barbers na huwag daw solohin ni Cardema ang pagmamahal sa bayan dahil lahat daw silang nanunungkulan ay may pagmamahal sa bayan. At bukod diyan, pinutakti din ng bashers sa social media ang congresswoman, boom!
XXX
WA’ NA KUWENTA ANG PARTYLIST SYSTEM SA ‘PINAS -- Wala nang kuwenta ang partylist system sa ‘Pinas.
Nakasaad naman kasi sa batas na dapat ang mga partylist nagre-represent sa mga marginalized sector tulad ng kabataan, kababaihan, magsasaka, manggagawa, mangingisda, katutubo at iba pang kauri nito, pero sa ngayon ay karamihan na sa mga partylist, ang mga nominado ay kapamilya ng mga trapo (traditional politicians), at pati ang sikat na apelyido, ginagawa na ring partylist tulad ng apelyido ng dating presidente, dinugtungan lang ng “youth” aprub na sa Comelec bilang partylist, at ito nga ‘yung Duterte Youth Partylist, tsk!
Comments