top of page
Search
BULGAR

Dahil sa talino at pagkatuso… Isinilang sa Year of the Monkey, mabilis na nasosolb ang mga problema

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | March 4, 2023


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Monkey o Unggoy ngayong Year of the Water Rabbit.


Bukod sa pagiging masayahin at mapagbiro, ang Unggoy ay sinasabi ring may katalinuhan at pagkatuso, alam niya kung paano huhusgahan at babasahin ang motibo ng kanyang kapwa. Kaya kung pag-iisipan mo ng masama ang isang Unggoy, ito ay malabo mong maipatupad. Ang totoo, bago mo siya tuluyang maloko, mauuna ka niyang malamangan.


Dahil may pagkatuso at matalino, sakali mang mautakan mo ang isang Unggoy o naihulog mo siya sa isang patibong o naitulak sa isang kumunoy ng mga suliranin at matinding panganib, habang tinatawanan mo siya, hindi mo alam na pagtalikod mo ay makakatakas at makakaligtas siya agad sa kanyang kinahulugan. Sapagkat tulad ng nasabi na, sa anumang sitwasyon ng buhay o gaanuman kapanganib ang pangyayari ay nalulusutan niya ito. Kumbaga, siguradong makakaisip at makakatuklas siya ng epektibong daan at tamang paraan upang siya ay makatakas at makaahon nang ligtas.


Ganu’n kagaling ang mga Unggoy, kayang-kaya nilang makaahon nang suwabe sa anumang mabibigat na suliranin sa kanyang buhay. Pagkatapos makaahon, tatawanan lamang niya ang mga problema at muli siyang magiging maligaya.


Sinasabing likas na matuwid at makatarungan ang isang Unggoy, kaya mahihirapan kang yayain o kumbinsihin sila agad na gumawa ng pagkakamali dahil likas sa mga Unggoy ang matuwid at laging nakasandig sa katarungan, sapagkat ito ang kanilang ipinaglalaban. Ibig sabihin, kung nais mong lokohin ang Unggoy na gumawa ng hindi makatarungang mga bagay, malabo mo siyang mayaya o makumbinse.


Bagama’t may katalinuhan, sinasabing ang Unggoy ay maikli ang pasensya at kapasidad na mag-analisa ng mga problema. Kaya hindi sa kanya tugma ang mga bagay na may mahabang isipan.


Halimbawa, ang paglalaro ng Chess, kung saan malabong maging grand master o dalubhasa ang isang Unggoy sa nasabing larangan dahil sobra silang naiinip kapag may mahahabang inaanalisa.


Kaya kapag nagdesisyon sa buhay ang isang Unggoy, umasa kang mabilis at agad niya itong ginagawa. At dahil sa ganitong naturalesa ng kanyang pagkatao, posibleng hindi siya makinig sa kanyang mga kaibigan o mahal sa buhay na nagkukuwento ng mahahaba at kung anu-anong mga problema dahil nababagot siyang pakinggan ito.


Kumbaga, hindi mo na kailangang dramahan pa ang isang Unggoy kung halimbawang mangungutang o hihingi ka ng pera sa kanya, dahil kapag mahabang pasakalye ang binigkas mo sa kanya, malabo ka niyang mapagbigyan. Sa halip, ang tamang diskarte ay sabihin mo na agad ang iyong sadya nang sa gayun, ang walang tiyagang Unggoy na makinig sa mahahabang kuwento ng problema ay mapagbigyan ka agad.


Gayundin sa pag-ibig, kung ikaw ay may karelasyon o asawang Unggoy, hindi siya nangangailangan ng madetalye at mahabang kuwento. Sa halip, ang kaunting usapan, pero makabuluhan at ‘yung pakiramdam na magkasama lang kayo, magkasandal sa lilim ng isang malaking punong kahoy na napaliligiran ng kulay berdeng damuhan, ay sapat na para sa kanya upang lalong mag-alab ang inyong pagmamahalan.


Itutuloy


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page