ni Melba Llanera @Insider | Dec. 9, 2024
Umamin si Enchong Dee na tulad ng iba ay dumaan din siya sa mental health problem dala ng mga pangamba sa buhay. Labis ang pasasalamat niya sa kanyang pamilya, mga kaibigan at sa kanyang management kaya't nalagpasan niya ito.
Ayon pa kay Enchong, malaking bagay talaga ang suporta na nanggagaling sa kanyang support system at pagrespeto na ibinigay ng mga ito sa kanya kapag kailangan niya ng oras para sa sarili. Nakapanayam namin ang Kapamilya actor sa nakaraang presscon ng Topakk at sinabi sa amin ni Enchong na napakahalaga rin ng pangungumusta sa mga mahal natin sa buhay, na madalas hindi natin alam na may mabigat na palang pinagdaraanan.
Parte ng pelikulang Topakk kasama sina Cong. Arjo Atayde at Julia Montes sa ilalim ng Nathan Studios at idinirehe ni Direk Richard Somes, nagpapasalamat din si Enchong na kasama siya sa naturang 2024 Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na kauna-unahang action film pala ng Kapamilya actor.
Tinanong namin kung ano ang mga paghahanda niya para magampanan ang role bilang sundalo, at ayon kay Enchong, mind-setting ang ginawa niya at kung ano ang ipagawa sa kanya ay ginawa na lang niya.
Naging hamon din ito kay Enchong para ipakita kung nasaang pahina na siya ngayon bilang isang versatile actor na kahit anong role ang ibigay sa kanya ay gagampanan niya nang buong puso.
Nanalo bilang Best Supporting Actor sa 2023 MMFF para sa pelikulang Gomburza, para kay Enchong ay ipinapasa-Diyos na lang niya ang lahat gaya nu’ng nakaraang taon kung papalarin ba na kilalanin ang husay na ipinakita niya sa Topakk. Pero ang tatlong awards na nakuha niya nu’ng nakaraang taon ay isang napakalaking blessing na para sa kanya.
Bahagi rin siya ng upcoming Korean adaptation series ng ABS-CBN, ang It's Okay Not To Be Okay (IONTBO), kung saan makakasama niya sina Anne Curtis at Joshua Garcia. Masaya si Enchong na makakatrabaho niya rito ang aktres sa kauna-unahang pagkakataon at ito rin ang proyekto na magkakaeksena sila nang mahahaba ni Joshua.
Dagdag pa ni Enchong, ipinagpapasalamat niya na kakaiba rin ang role niya sa naturang serye at nakita na ng Kapamilya actor ang lalim niya bilang aktor at nararapat lang na pinagkatiwalaan siya ng isang mapanghamong papel gaya nito.
Lilipad na siya pa-Spain para sa nalalapit na Kapaskuhan. Kasama ang buong pamilya ay du'n sila magse-celebrate ng Pasko para makasama ang nakatatandang kapatid na si AJ Dee at mabuo ang kanilang pamilya sa espesyal na okasyon.
PARA kay David Ezra, anak ng batikang singer na si Dulce at mahusay na composer na si Danny Cruz, hindi niya ipagpapalit ang role niya bilang Orly sa 2024 Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na Isang Himala (IH) sa kahit na sampung palabas o proyekto.
Paliwanag sa amin ni David, ang Himala kasi na unang ginampanan ni Nora Aunor ay isang klasikong pelikula at bahagi na ng kultura nating mga Pilipino.
Ang role bilang Orly ay unang binigyang-buhay ni Spanky Manikan at ang pagkakaiba ng atake ng role niya ngayon kumpara kay Spanky ay mas may emosyon at pagsisisi ang bagong Orly sa kanyang nagawa sa istorya.
Sa ilalim ng direksiyon ni Pepe Diokno at gaganap bilang Elsa si Aicelle Santos, isa itong musical film kung saan idadaan sa kanta ang bawat eksena, na tiyak na magugustuhan ng mga manonood lalo’t mahilig tayo sa musika.
Naikuwento rin ni David na inaani niya ang kabutihan at husay sa pakikisama na itinanim ng kanyang ina sa mga nakatrabaho nito sa industriya. Sa maraming pagkakataon na kapag nalaman ng ibang tao na anak siya ni Dulce ay iba ang respeto at pakikisama na ibinibigay sa kanya.
Proud na proud si David sa ina, lalo’t kapag naikukuwento sa kanya ng ibang tao kung paano sila itinrato nang maganda ng batikang singer.
Ayon kay David ay ganito rin ang iminulat sa kanilang magkakapatid ng ina na matutong rumespeto at tumrato nang pantay-pantay sa lahat ng tao.
Graduate si David ng Conservatory of Music sa University of Santo Tomas (UST) at bukod sa teatro ay nagtrabaho rin sa Disneyland sa Hong Kong sa loob ng tatlong taon.
Hindi rin itinago ni David na engaged na siya sa kanyang non-showbiz girlfriend for eight years.
Kung mabibigyan ng tsansa ay bukas din si David na gumanap sa ibang pelikula at serye. Sa training na pinagdaanan niya sa teatro at hitsura ni David, naniniwala kami na maganda rin ang tatakbuhin ng kanyang showbiz career basta mabigyan lang ng oportunidad.
SA nakaraang mediacon at pasasalamat ng Lamoiyan Corporation founder at president na si Dr. Cecilio Pedro, nahingan ito ng reaksiyon sa nauusong scams kung saan nasasangkot ang ilan sa mga artista natin.
Ayon kay Dr. Pedro, walang shortcut ang tagumpay sa bawat bagay, kaya kinakailangang pinagtatrabahuhang mabuti.
Dagdag pa ng matagumpay na businessman, kapag nag-shortcut ka ay mahihirapan kang i-sustain ito at sa huli ay babagsak lang ang lahat.
Sa higpit ng kompetisyon ngayon ay kailangang dobleng kayod at sipag para madaig mo at malagpasan ang iyong mga kapanabayan, lalo’t kung sasabayan mo ito ng dasal.
Pangulo rin ng FFCCCII o Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc., ikinuwento nito na isa sa mga tumutulong sa mga charitable projects ng FFCCII ay si Jose Mari Chan, na kapwa rin pala galing sa Ateneo tulad ni Dr. Pedro.
Kabilang sa mga charity works nila ang pagpapatayo ng mga classrooms, pagbibigay ng relief goods at bigas sa mga nasalanta ng mga kalamidad, pati na rin ang fire brigade.
Comments