ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | April 17, 2021
Karamihan sa ating mga kababayang piniling magtrabaho sa abroad ay dahil sa kagustuhang kumita nang mas malaki at makatiyak na maitataguyod ang kani-kanilang pamilya sa bansa.
Pero sa survey kamakailan ng Decoding Global Talent ng JobStreet, lumalabas na patuloy sa pagbaba ang bilang ng mga Pinoy na nagnanais pang magtrabaho sa abroad.
Maging sa bilang ng mga Pinoy na nais mag-migrate sa ibang bansa, bumaba rin sa 54 porsiyento mula sa 75 porsiyento noong 2018.
Mababatid na nitong mga huling buwan ng 2020 at nitong mga unang bahagi ng 2021, marami sa mga OFWs ang nagbalik-bansa. At ayon sa ulat ng Department of Labor and Employment (DOLE), umaabot ang bilang ng returning OFWs sa 520,000 matapos silang mawalan ng trabaho dulot ng pandemya ng COVID-19.
Ang pangyayaring ito, idagdag pa ang tumataas na bilang ng mga Pinoy na ayaw magtrabaho sa abroad ang nagpaigting sa pangangailangan ng job creation sa bansa. Pero, paano ito masosolusyunan kung patuloy tayong hinahagupit ng pandemya?
Patuloy ang ang pagtaas ng COVID cases sa Pilipinas at inaasahang patuloy pang tataas sa mga darating na araw.
Kamakailan, sumailalim sa dalawang linggong enhanced community quarantine ang buong NCR, gayundin ang mga kalapit lugar nito tulad ng Laguna, Bulacan, Cavite at Rizal.
Sa kasalukuyan, ibinaba ang quarantine status sa MECQ sa mga nabanggit nalugar.
Aminin man natin o hindi, ang mga hakbang na ito ang nagpapalala sa unemployment at underemployment sa bansa. Pero ginawa ito upang mapabagal ang pagdami ng COVID cases na sana ay maging epektibo.
Wala mang malinaw na paraan upang maresolba ang lumulobong unemployment, may pag-asa tayong nakikita sa digital workforce o digitally-enabled remote work.
Sa panibagong survey ng JobStreet, lumalabas na 49 porsiyento ng tinatayang 15,000 Filipino responsdents ang nagsabing pabor sila sa remote work sa ilalim ng mga dayuhang employer. Kabilang sa kanilang preferences ang Australia, Canada at ang Estados Unidos.
Hindi masasabing baguhan lang ang ideyang ito sa mga Pilipino dahil mula nang mag-lockdown noong nakaraang taon, marami sa ating mga kababayan ang nag-work-from-home o (WFH).
Sa kasalukuyan, tinatayang 12,000 remote work listings mayroon sa JobSteet na bukas sa mga naghahanap ng remote work o work-from-home.
Maraming bentahe ang remote work tulad ng flexibility o ang malayang oras sa pagtratrabaho. Ibig sabihin, kahit nasaang panig ang empleyado, maaari niyang magawa ang kanyang trabaho basta konektado lamang sa internet.
Pero sa lahat naman ng bagay, may makikita tayong challenges — at ‘yan nga ay ang irregular na koneksiyon natin sa internet. Talagang ‘yan ang pinakamalaking problema sa Pilipinas hanggang ngayon.
Kahit saang anggulo tayo tumingin, wala tayong nakikitang katiyakan. Pero ang sigurado, dapat tayong mahulma sa digital workforce. Dahilan kung bakit sa unang bahagi ng taong ito, sa pamamagitan ng ating suhestiyon, nagkaroon ng online Work Remote Conference ang eCommerce Office ng DTI at ang Work Remote and Microsoft upang maiparating ang ating ideya sa remote work sa mga professionals at business owners sa bansa.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City
o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Comments