top of page
Search
BULGAR

Dahil sa pag-aalinlangan ng CA… Akusadong napagbintangan, absuwelto

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | Abril 13, 2024

Dagok at pagsubok, kailangan harapin upang katarungan ay mapasaiyo.


Bahagi ng buhay ng bawat tao ang dumaan sa iba’t ibang pagsubok. May mga pagsubok na bunga mismo ng ating mga kusang desisyon at bunga ng desisyon ng ibang tao o sanhi ng kanilang aksyon. 


Sa aming mga engkuwentro, ang pinakamahirap na pagsubok ay iyong tila nailagay ka sa hukay at hindi mo na alam kung dito na ba magwawakas ang lahat o may kinabukasan pa bang naghihintay para sa iyo.


Ang kuwento na aming ibabahagi sa araw na ito ay tungkol sa napakabigat na pagsubok na kinaharap ni Rose, at ang kalaunang pagkamit niya ng hustisya na naaayon sa batas, sa pagsisikap ng Manananggol Pambayan na sa kanya ay tumulong hanggang sa ang kanyang kaso ay magwakas.


Si Rose ay inakusahan ng paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act (R.A.) No. 9165. Kasama niyang nasampahan ng kaso si Edwin. 


Bunga umano ito ng impormasyon na nakalap mula sa isang impormante. Si Rose diumano ay naglalako ng ipinagbabawal na gamot sa ilang mga barangay sa Lungsod ng Quezon. Dahil dito, agad na bumuo ng isang pangkat na magsasagawa ng buy-bust operation na kung saan si PO1 Mark ang magsisilbing poseur-buyer, habang si PO1 Glenn ang magsisilbing back-up.


Ikinasa ang naturang operasyon noong ika-19 ng Oktubre 2018. Tinawagan diumano ng impormante si Rose at sinabi sa kanya na mayroon siyang kaibigan na nais kumuha ng shabu na nagkakahalaga ng P100,000.00. 


Nang makarating ang pangkat sa napagkasunduang lugar, agad umanong nagpadala ng text message ang impormante kay Rose para ipaalam na naroon na sila. Habang sila ay papalapit sa isang tricycle na nakaparada sa harap ng isang tindahan, kinumpirma diumano ng impormante kay PO1 Mark na si Rose na ang nakasakay sa loob ng nasabing tricycle at si Edwin ang drayber nito.


Sa kanilang pagtatagpo, inilabas umano ni Edwin mula sa likod na bulsa ng kanyang short ang isang lalagyan at iniabot ito kay Rose. Binuksan diumano ni Rose ang nasabing lalagyan at ipinakita kay PO1 Mark ang dalawang heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng crystalline substance. Iniabot umano ni Rose ito kay PO1 Mark at bilang kapalit, iniabot naman din ni PO1 Mark ang lalagyan na naglalaman ng boodle money. 


Matapos ang naging transaksyon, agad na nagbigay ng hudyat si PO1 Mark sa kanyang mga kasamahan, at kasabay nito ay nagpakilala siya kay Rose bilang isang pulis at inaresto ito.


Kinuha diumano ni PO1 Mark ang boodle money mula kay Rose, habang si PO1 Glenn naman diumano ang umaresto kay Edwin.


Nang makarating sa lugar na pinangyarihan ng nasabing bentahan ang kinatawan mula sa media at barangay, minarkahan na umano ni PO1 Mark ang sachets at nilitratuhan at inihanda ang mga ito para sa imbentaryo. Wala umanong dumating mula sa Department of Justice (DOJ), bagaman sinubukan diumano na magpapunta ng kinatawan mula sa nasabing ahensya.


Dinala umano ni PO1 Mark ang mga inaresto at nakalap na ebidensya sa himpilan ng pulis, at doon niya umano itinurn-over sa imbestigador ang kustodiya ng mga sachets.


Matapos umano maihanda ng imbestigador ang Request for Laboratory Examination at Request for Drug Test ay ibinalik nito ang kustodiya ng mga sachets kay PO1 Mark na siyang nagdala sa mga ito sa Crime Laboratory. Nagpositibo umano sa methamphetamine hydrochloride o shabu ang mga sinuring gamot.


Mariing pagtanggi naman ang ipinahayag ng mga akusado. Ayon sa testimonya ni Rose, kasama niya umano noong araw ng insidente ang kanyang 6 na taong gulang na anak.


Sumakay sila ng tricycle mula sa pamilihan at pinakiusapan lamang niya ang drayber na huminto sa harap ng isang kilalang kainan dahil nais niya bilhan ng pagkain ang kanyang anak. Matapos siyang makabili ay muli siyang sumakay sa naturang tricycle, nang may biglang lumapit sa kanila na dalawang lalaki na naka-sibilyan, pinasama diumano siya sa himpilan ng pulis lulan ng isang itim na sasakyan. Makalipas ang ilang minuto, nasa himpilan na rin ang drayber ng tricycle at kanyang anak.


Noong gabing iyon, dinala si Rose, pati ang tricycle, sa isang lugar na mayroong pulang ilaw. May isa umanong babae na humawak sa kanya sa loob ng tricycle habang may ilang kalalakihan ang naglagay ng brown envelope at plastic sachets sa upuan ng drayber, subalit hindi niya umano alam ang nilalaman ng mga ito.


Matapos ang isang taon at halos isang buwan, binabaan ng Regional Trial Court (RTC) ng hatol na may sala sina Rose at Edwin. Sila ay pinatawan ng parusa na panghabambuhay na pagkakakulong at fine na nagkakahalaga ng P500,000.00, at hindi sila maaaring maparolan.


Iginiit ni Rose, sa pamamagitan ng kanyang apela sa Court of Appeals (CA), na mali ang naging hatol ng RTC, sapagkat hindi umano napatunayan ng tagausig na walang naging patid sa tanikala ng kustodiya na ang pinagbabawal na gamot ang nakuha umano mula sa kanila.


Matapos ang masinsinang pag-aaral sa inihaing apela, natanggap ni Rose ang inaasam-asam na pagbaligtad sa naunang hatol sa kanya ng RTC. 


Batay sa kanilang desisyon, nakita ng CA na hindi napanatili ang unbroken chain of custody ng mga nakalap na ebidensya, partikular na ang una at ikaapat na kawing sa naturang tanikala. Para sa kaalaman ng lahat, ang mga sumusunod na kawing ay kinakailangang mapanatili, alinsunod sa hinihingi ng Section 21, Article II ng Republic Act (R.A.) No. 9165, na naamyendahan ng Republic Act (R.A.) No. 10640: 


“(1) the confiscation and marking of the specimen seized from the accused by the apprehending officer; (2) the turnover of the seized item by the apprehending officer to the investigating officer; (3) the investigating officer's turnover of the specimen to the forensic chemist for examination; and, (4) the submission of the item by the forensic chemist to the court.”


Batay umano sa mismong testimonya ni PO1 Mark, lumipas ang 30 minuto mula sa pagkakaaresto nila Rose bago niya namarkahan ang mga nakalap na ipinagbabawal na gamot, at wala siyang naibigay na makatwirang dahilan sa pagkaantala ng pagmamarka. Para sa appellate court, nabahiran ng matinding pag-aalinlangan ang awtentisidad ng ebidensya dahil sa nasabing pagkaantala.


Nakadagdag pa umano ang kakulangan ng ebidensya kaugnay sa akmang pagtatago at pag-iingat sa mga nakalap na ebidensya. Bagaman nagkasundo umano ang tagausig at depensa kaugnay sa paraan ng pagkakatanggap ng forensic chemist sa mga nasabing ebidensya at ang resulta nang naging pagsusuri sa mga ito, hindi umano napatunayan sa hukuman na ang mga ito ay naitago at naingatan matapos ang naturang pagsusuri at bago dalhin sa hukuman. 


Para sa CA, ang pagkukulang ng kapulisan at tagausig ay hindi maisasantabi. At dahil umano mayroong pag-aalinlangan na nabuo sa isipan ng CA ukol sa pinagmulan, pagkakakilanlan at integridad ng mga ebidensya na isinumite sa hukuman, hindi napatunayan ang pagkakasala ni Rose nang higit sa makatuwirang pagdududa. Kung kaya’t dapat umano bigyan ng katuturan at pagbigyan ang kanyang apela at siya ay pinawalang-sala.


Alam naming hindi madali ang mapagbintangan. Isa itong pagsubok na maaaring umabot hanggang sa hukuman. Ngunit, para sa mga mayroong kinakaharap na kaso sa kasalukuyan, nawa’y hindi kayo mawalan ng pag-asa kailanman. Hindi magagarantiya kung ano ang magiging kahihinatnan, ngunit panalangin at katotohanan ang gawing sandigan, kalayaan at katarungan, tulad sa kuwento ni Rose, ay maaari pa ring makamtan. 


Isa itong patunay na sa buhay nating ito, may mga daing na hindi nagwawakas sa pagkakahimlay sa hukay, kundi sa tagumpay. Ang hangad ng aming Tanggapan ay maibigay ang tamang hustisya sa bawat isa. Ang mga biktima at naakusahan ay parehong mayroong karapatan sa batas.


 

 

 

 

 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page