top of page
Search
BULGAR

Dahil sa medical condition... Mga ‘di pa bakunado, exempted sa restriksyon – MMDA

ni Lolet Abania | January 4, 2022


Ang mga indibidwal na hindi pa nababakunahan dahil sa kanilang medikal na kondisyon ay exempted sa mga restriksyon na ipinatutupad sa mga unvaccinated sa National Capital Region (NCR) sa ilalim ng Alert Level 3, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).


Sa Laging Handa public briefing ngayong Martes, sinabi ni MMDA Chairman Benhur Abalos na tinatayang nasa 100,000 hanggang 250,000 ang hindi pa rin nababakunahan kontra-COVID-19 sa Metro Manila.


“They should be really exempted. I mean, of course, that’s very understandable, that’s medical condition,” sabi ni Abalos.


Nitong Lunes inanunsiyo ni Abalos na ang Metro Manila Council (MMC), na kinabibilangan ng 17 mayors sa rehiyon, ay napagkasunduan na higpitan ang mobility ng mga unvaccinated individuals sa NCR sa ilalim ng Alert Level 3.


Aniya, ang mga unvaccinated individuals ay dapat na manatili muna sa kanilang mga tirahan sa lahat ng oras, maliban na lamang kung bibili ng mga essential goods at services.


Papayagan naman ang individual outdoor exercise, subalit sa loob lamang ng general area o nasasakop na mga lugar ng kanilang tirahan at depende rin sa panuntunang ipinatutupad ng kanilang local government unit (LGU).


Gayundin, ang mga hindi bakunadong indibidwal ay bawal sa mga indoor at outdoor dining sa restaurants at iba pang food establishments.


Ipinagbabawal rin sila sa mga leisure o social trips sa mga malls, hotels, event venues, sports at country clubs, at katulad na mga pasilidad batay sa mga guidelines na ipinatutupad ng mga LGUs at establisimyento.


Para sa mga domestic travel via public transportation gaya ng land, sea at air, ipinagbabawal na rin ang mga hindi bakunadong indibidwal maliban kung kukuha o bibili ng mga essential goods at services at mga pangangailangang medikal.


Gayunman, ang mga unvaccinated employees na nagtatrabaho sa Metro Manila ay kailangang magprisinta ng kanilang negative RT-PCR test o antigen test kada dalawang linggo.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page