ni Zel Fernandez | May 12, 2022
Kasunod ng nakalipas na eleksiyon noong Mayo 9, ipinahayag ni Philippine National Police (PNP) Public Information Office Chief Police Brigadier General Roderick Augustus Alba na wala umanong naitalang insidente ng karahasan laban sa mga media personnel.
Paglalahad ni Brig. Gen. Alba, Chief ng Media Security Vanguards na itinatag ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), mahalaga umanong matiyak ang seguridad at kaligtasan ng mga mamahayag lalo na sa panahon ng halalan, bilang tugon sa pagtataguyod ng Press Freedom sa Pilipinas.
Kinabibilangan ng mga Public Information Officer ng PNP sa regional, provincial, at local level ang Media Security Vanguards na direktang tumutugon sa mga security concerns ng mga mamamahayag sa bansa.
Samantala, pinasalamatan naman ni PTFoMS Executive Director, Undersecretary Joel Sy Egco ang PNP sa malaking ambag ng kanilang hanay upang maisakatuparan ang mapayapang pagsasagawa ng eleksiyon, kaakibat ng tungkuling pangalagaan at siguruhing ligtas ang mga mamamahayag.
Dagdag pa ni Egco, ito aniya ang patunay ng pagsisikap ng gobyerno na makalikha ng ligtas na kapaligiran para sa mga mamamahayag upang magampanan nang matiwasay ang kanilang adhikaing makapagbalita sa publiko ng mga kaganapan sa bansa.
Commentaires