ni Julie Bonifacio @Winner | Jan. 13, 2025
Photo: Sam Milby at Ada Milby - IG
Milagro ang bungad ng aktor na si Sam Milby sa kanyang caption sa series of photos and videos pagkatapos makaligtas at mapagaling ang naaksidente niyang sister na si Ada Milby na ipinost niya sa kanyang Instagram (IG) recently.
Sa unang photo na ipinost ni Sam ay inaalalayan niya ang hirap pang maglakad na si Ada sa corridor ng ospital.
Sa dalawang videos na ipinost ni Sam ay makikita na isang himala talaga na nakaligtas si Ada nu’ng tumalsik siya sakay ng kanyang motor pagkatapos mabangga ng likuran ng isang sasakyan na sinagasaan naman ng malaking container truck.
Caption ni Sam: “Milagro. ‘Yun ang nangyari sa Ate ko last month. Definitely not the way she wanted to spend the holidays but thank you Lord she is safe and healing. She walked away with no broken bones, just badly bruised with some stitches (S’ya ‘yung naka-motor sa video).
“But sadly a young man’s life was taken. Nawalan daw ng preno ‘yung truck at parang madalas nangyayari to: (I hope more can be done to force companies to do regular checkups and maintenance for a lot of these older trucks).
“So glad you’re okay and love you, Sis.”
Sa huli ay binigyan ng credit ni Sam ang mga may-ari ng dashcams ng truck at grab driver na nakakuha ng video sa aksidente.
Well, nag-post ng comment ang mga celebrity friends/followers ni Sam sa IG gaya nina Judy Ann Santos, KC Concepcion, Angeline Quinto, Vhong Navarro, Enchong Dee, Chie Filomeno, Markki Stroem, Ivana Alawi, Michael de Mesa at Beautederm owner na si Rhea Tan.
Mensahe ni Juday, “Oh my…glad your sister is okay (heart emoji) her guardian angel really took care of her.”
“So glad to hear, Ada is okay, praying for her speedy recovery!!!” ani KC.
Sabi naman ni Michael de Mesa, “Oh, my God. So glad Ada is okay, that was intense. Something should really be done with these trucks that are not maintained.”
Si Ada ay isang Filipino-American rugby player na naglalaro sa Philippine national women’s team. Siya rin ang kauna-unahang female member of the World Rugby Council. At siya ngayon ang presidente ng Philippine Rugby Football Union.
Sumabak din pala si Ada sa Iraq war bilang staff sergeant sa US military. May dalawang anak na babae si Ada na pawang paborito ni Uncle Sam.
Naging instant bayani ang dating sexy star na si Klaudia Koronel sa paglikas sa kanyang 75-year old na pasyente na may sakit na dementia mula sa wildfire sa Los Angeles, California sa Amerika.
Nag-live si Klaudia sa kanyang Facebook (FB) page habang nililikas ang kanyang Amerikanang pasyente dahil umabot na sa likod ng bahay nito sa Palisades ang wildfire.
Si Klaudia ay naninirahan at nagtatrabaho na sa US bilang caregiver.
Caption ni Klaudia sa kanyang video post sa FB, “Actual footage o live ko na experience ko mismo ang wildfire sa Pasadena. Nagpapa-panic ako. Hanggang ngayon, traumatized ako.
Kasi ‘pag nakaka-receive ako ng emergency alert, natataranta ako at nagpa-panic.”
Sa video ay mapapanood ang bahay ng pasyente ni Klaudia na inabot na ng apoy ang likuran.
Lahad ni Klaudia sa video, “Masusunog na po ang bahay namin. God! napakabilis. Relax pa ako kanina kasi sa isip ko malayo naman sa Palisades ang sunog. Tapos biglang natanaw ko may apoy na sa likod bahay at naka-receive ako ng alert na lumikas na kami.”
Sa pagtatapos ng video ay hindi pa malaman ni Klaudia kung saan sila pulunta pagkatapos lisanin ang bahay ng kanyang pasyente.
Sa sunod na FB post ni Klaudia ay ipinakita niya ang mga sandamakmak na mga residente na naapektuhan ng wildfire ang nagpuntahan sa Santa Anita Park bilang pansamantalang evacuation place.
Post ni Klaudia, “Please help them po, masuwerte kami ng pasyente ko kasi nilagay kami ng family sa Pasadena hotel. Karamihan, kawawa po talaga…”
Sa ngayon ay nanawagan ng volunteers and donation ang mga evacuees sa Santa Anita Park at sa iba pang mga lugar sa Los Angeles.