ni Madel Moratillo | June 25, 2020
Apat na milyong manggagawa pa ang inaasahang mawawalan ng trabaho sa taong ito dahil sa epekto ng covid-19 pandemic.
Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, aabot sa 10 hanggang 15 porsiyento pa ng workforce ng bansa ang inaasahang mawawala.
Aminado ang kalihim na maaaring tumaas pa ang bilang na ito.
Isa naman sa tinitignan ng DOLE na makakabawi ay ang Business Process Outsourcing (BPO) industry.
Sinabi pa ni Bello na makatutulong din para mabawasan ang epekto ng pandemic sa sektor ng paggawa ang full implementation ng Build, Build, Build program ng pamahalaan at pagpapatuloy ng iba pang construction activities sa bansa.
May 2 libong establisimyento aniya ang nag-abiso na sa DOLE na magdedeklara ng permanent closure, redundancy o retrenchment matapos ang ilang buwan ng community quarantine.
Malaki kasi umano ang epekto ng quarantine sa kita ng mga negosyo at kanilang operasyon. Tinitignan naman ng DOLE ang pagkakaroon ng subsidy program para matulungan ang mga kumpanya na mapanatili ang kanilang mga manggagawa. Nitong Abril, lumobo na sa 7.3 milyong Pinoy ang naging jobless.
Commentaires