ni Jemuel C. Salterio @Talbog | Nov. 19, 2024
Isang malungkot na balita ang bumungad sa mga tagahanga ng OPM band na Aegis kahapon, Nobyembre 18, 2024, matapos kumpirmahin ng kanyang mga kamag-anak ang pagpanaw ng isa sa mga pangunahing bokalista ng banda, si Mercy Sunot, sa edad na 48.
Pumanaw si Mercy isang araw matapos niyang humiling ng panalangin mula sa kanyang mga tagasuporta kasunod ng kanyang lung surgery.
Sa isang nakakaantig na post mula sa kanyang kapatid na si Angel Pe Awayan, ipinahayag nito ang kanyang matinding lungkot:
“I’m so broken to hear about your passing. My dearest sister, Mercy Sunot, I will forever miss your beautiful soul. Beyond shocked and speechless but no more pain. May you rest in peace, my love. Until we meet again, I love you.”
Sa huling video na ibinahagi ni Mercy sa kanyang Facebook page, ibinalita niya ang kanyang kalagayan. Dito niya inamin na nahirapan siyang huminga dahil sa inflammation sa kanyang lungs.
“Tapos na ‘yung surgery ko sa lungs. Pero biglang nahirapan akong huminga. So, dinala ako sa ICU. Tapos ngayon, may inflammation ‘yung lungs ko, so ginagawan na nila ng paraan… Steroids ang ipinainom sa ‘kin ng doctor para sa inflammation,” ani Mercy.
“Ipag-pray n’yo 'ko na matapos ‘tong pagsubok na ‘to. Ipag-pray n’yo ako,” dagdag pa niya.
Sa isa pang post, tila nagpahiwatig si Mercy na may iniinda rin siyang breast at lung cancer.
Bilang isa sa mga haligi ng Aegis, si Mercy ay hindi makakalimutan ng kanyang mga fans dahil sa kanyang makapangyarihang boses na naging tatak ng banda.
Kasama ng kanyang mga kagrupo, pinasikat niya ang mga walang-kupas na OPM hits tulad ng Halik, Luha, Sinta at Sayang na Sayang.
Hindi rin matatawaran ang kasikatan ng kanilang mga Christmas jingles tulad ng Christmas Bonus na naging bahagi ng maraming Pinoy holiday celebrations.
Patuloy pa ring aktibo ang Aegis sa kanilang mga gigs, ngunit dama ng lahat ang kawalan ng presensiya ni Mercy sa entablado.
Para sa mga fans at kasamahan niya, hindi lang siya bokalista kundi isang mahalagang inspirasyon.
Sa mga tagahanga, kaibigan at kapamilya, tuluy-tuloy ang pag-alala kay Mercy bilang isang tunay na paandar sa industriya ng musika.
Goodbye, Ate Mercy. Maraming salamat sa musika at alaala. Nawa’y magtagpo ulit tayo sa tamang panahon.
Ang aming taos-pusong pakikiramay at panalangin mula sa lahat ng mga Ka-BULGARians na nagmamahal at umiidolo kay Mercy Sunot.
Mapayapang paglalakbay, Mercy (crying emoji). #Talbog
Comments