ni Mai Ancheta | May 29, 2023
Tinatayang nasa 1,000 residente ng Marogong, Lanao del Sur ang lumikas dahil sa bantang pag-atake ng Daulah Islamiyah terrorist group matapos mahuli ng mga otoridad ang apat nilang kasamahan.
Batay sa report ng Lanao del Sur public information office, karamihan sa mga lumikas na pamilya ay nagtungo sa mga bayan ng Binidayan, Balabagan at Madalum upang makaiwas sa banta ng mga terorista.
Nasakote ng mga operatiba ng pinagsanib na puwersa ng Western Mindanao Command ng Armed Forces of the Phililpines at mga operatiba ng Philippine National Police ang apat na hinihinalang terorista sa Barangay Pabrika sa bayan ng Marogong.
Ang apat ay miyembro umano ng Daulah Islamiyah kung saan dalawa sa mga ito ay edad 14 at 16.
Ang dalawa sa suspek ay kinilalang sina Muhammad Nasif at Saidi Macadaagna nakuhanan ng improvised explosive device (IED), apat na baril, isang grenade launcher at mga bala.
Wala pang inisyung pahayag ang mga opisyal ng Lanao del Sur kung paano tutulungan ang mga lumikas na residente.
Comments