ni Lolet Abania | January 14, 2022
Pito lamang sa 10 indibidwal na nag-apply para sa COVID-19 vaccination certificate sa pamamagitan ng VaxCertPH portal ang maaaring makakuha ng sertipikasyon, dahil ito sa tinatawag na backlogs sa data uploading, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Paliwanag ni DILG spokesperson Jonathan Malaya sa isang interview na ilan sa mga local government units (LGUs) ay mas nakatutok sa kanilang vaccination program kumpara sa pag-update ng mga datos sa online portal.
“Dahil po dito, sa 10 taong nag-apply, pito lang ang may success. ‘Yung tatlo, no record found,” sabi ni Malaya. Payo ni Malaya sa mga hindi pa nakakakuha ng digital copy ng kanilang vaccination certificate na iprisinta muna ang kanilang vaccination cards sakaling mag-inspeksyon ang mga awtoridad sa kanila.
Kaugnay nito, maraming LGUs na ang nagpasa ng mga ordinansa hinggil sa pagpapatupad ng restriksyon sa mga hindi pa bakunadong indibidwal.
Gayundin, tsini-check ng mga awtoridad ang mga vaccination cards ng mga indibidwal na lumalabas. Ilang services din, gaya ng public transport ay nagre-require na ng vaccination cards bago pa makasakay.
Matatandaang noong Nobyembre, binanggit ni DILG Secretary Eduardo Año na ang immunization record ng gobyerno ay nananatiling mayroong 10 million gaps sa mga entries nito.
Hinimok naman ng Malacañang ang mga LGUs na madaliin na ng mga ito, ang encoding ng mga vaccine recipients’ information sa verification database system ng bansa.
Kommentare