ni Jersy Sanchez - @Life & Style| April 16, 2021
Halos lahat yata ng tao ay mayroon nang socmed account. Agree?
Ito kasi ang ginagamit natin para manatiling updated sa mga ganap sa ating bansa, paligid at mga mahal sa buhay. Bukod pa rito, nakakaaliw din ang mga features nito kung saan puwede tayong mag-update ng status, mag-post ng pictures at kung anu-ano pa.
Pero mga beshies, alam n’yo ba na gustung-gusto rin ito ng mga kawatan? Bakit? Ito ay dahil madali silang makakukuha ng impormasyon mula sa atin, kaya naman narito ang mga bagay na hindi natin dapat i-post sa ating socmed account:
1. COMPLETE HOME/WORK ADDRESS. Ang personal na impormasyon na ito ay hindi dapat isapubliko gamit ang social media. Ito ay dahil posible kang maging target ng kawatan kung mas madali ka nilang mahahanap.
2. FULL BIRTH DATE. Kapag inilagay mo sa iyong socmed account ang birthdate mo, gayundin ang iba pang miyembro ng iyong pamilya, maaaring malagay sa panganib ang iyong personal at financial security. Bakit? Ito ay dahil parang nagbibigay tayo ng sapat na impormasyon para mabiktima ng identity theft. Bukod pa rito, ang inyong birth date ay puwedeng maging password o PIN, na maaaring gamitin ng mga kawatan para tangkaing buksan ang iyong mga personal accounts. Gayundin, iwasang magpost ng telephone o mobile number.
3. RELATIONSHIP STATUS. Kung “in a relationship” ka man o hindi, oks nang ‘wag itong ipaalam sa publiko. Tandaan, nar’yan lang ang mga stalker at anytime, malalaman nila kung single ka na ulit at posibleng maging daan ito para maisagawa ang anumang masama nilang plano.
4. MOTHER’S MAIDEN NAME. Gulat ka, ‘noh? Well, ito ay “special information” dahil kadalasan itong sagot sa security questions ng napakaraming sites. Gayundin, itinatanong ito ng credit card companies, wireless service provider at iba pa.
5. CURRENT LOCATION. Nakatutuwa ang location-tagging feature ng ilang socmed sites, pero mga bes, dapat nating tandaan na hindi ito safe sa lahat ng oras. Ayon sa mga eksperto, mas mabuti kung ‘wag na lang i-reveal ang current location tuwing magpo-post ng status. Halimbawa, airport o vacation destination dahil puwede itong magbigay ng hint sa mga kawatan na wala ka sa iyong bahay at puwede silang sumalakay.
6. TRAVEL/VACATION DETAILS. Kahit gaano tayo ka-excited sa bakasyon o travel, iwasan nating ianunsiyo ito dahil kung walang maiiwanang tao sa inyong bahay ay alam n’yo na kung ano ang susunod na mangyayari. Alam n’yo ba na ayon sa mga pulis at FBI, isa ang socmed sa ginagamit ng mga kawatan para umatake dahil madali nilang nalalaman kung sino ang kanilang potential victims? Hmmm…
7. PLANE TICKET/BOARDING PASS. Hindi alam ng karamihan na ang pagpo-post ng litrato ng plane ticket o boarding pass ay pagbibigay ng iyong impormasyon sa ibang tao, gayundin upang baguhin o kanselahin ang inyong booking. Ang kailangan lang nila ay pumunta sa website ng airline, i-click ang “Manage Booking”, ilagay ang inyong impormasyon at voila!
8. YOU AND YOUR FRIEND’S KIDS. Bagama’t gustung-gusto ng bawat magulang na mag-share ng pictures ng kanilang mga cute na tsikiting dahil nakakaaliw na balikan ang kanilang paglaki, mga mommies, hindi pa rin natin alam kung sinu-sino ang mga nakakikita nito kahit sigurado tayong naka-private ang ating profile. May ilan din sa ating ginagawang profile picture ang ating mga anak, pero ingat lang dahil posible itong makarating sa masasamang-loob tulad ng pedophiles, na malaking banta sa mga bata. Iwasang mag-post ng partial o totally naked photos ni bagets online, gayundin ang kanilang pangalan. ‘Wag na ring isapubliko ang pangalan at address ng iskul na kanilang pinapasukan.
9. ‘PAG HOME ALONE. Hindi na dapat malaman ng ibang tao na ikaw ay home alone dahil tulad ng nabanggit, hindi natin alam kung sinu-sino ang mga nakakikita nito.
10. INAPPROPRIATE PHOTOS/VIDEOS. Sabihin na nating puwede naman itong i-delete, pero mga besh, hindi natin alam kung sino ang nakapag-save nito at malamang, puwede itong magamit laban sa iyo.
11. COMPLAINTS SA TRABAHO/BOSS. Bagama’t umaabot talaga sa punto na frustrated tayo sa ating trabaho, hindi pa rin tama na mag-post tayo ng reklamo sa ating boss online. Ito ay dahil puwedeng isipin ng ibang tao na “ungrateful” ka sa iyong trabaho, gayundin, hindi ito makatutulong sa boss-employee relationship. Ang mas mabuting gawin ay sarilihin na lang ang ganitong mga rant o kaya naman, mag-share na lang sa iyong mga pinagkakatiwalaang tao sa halip na mag-post sa socmed.
Nasa panahon na tayo na halos lahat ay napakahilig magpost o magbahagi ng kahit ano sa Facebook at iba pang social media sites. Gayundin, totoo na nakatutulong ang socmed para manatiling konektado sa ating mga mahal sa buhay, pero dapat ay gamitin natin ito nang tama.
‘Ika nga, walang masamang magpakatotoo online, pero hindi natin dapat ilagay sa panganib ang ating sarili, gayundin ang privacy ng taong malalapit sa atin. Kuha mo?
Comments