top of page
Search
BULGAR

Daghang salamat, Tatay Digong!

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | June 29, 2022


Hanggang ngayon ay naluluha pa rin tayo kapag naaalala ang mga naganap na eksena sa “Salamat, PRRD” thanksgiving concert sa Quirino Grandstand noong gabi ng Hunyo 26, 2022. Nagtipun-tipon muli ang mga supporters ni Pangulong Rodrigo Duterte para pasalamatan siya sa napakalaking pagbabagong nagawa niya para sa ating bansa sa nakalipas na anim na taon.


Sino ba naman ang hindi magiging emosyunal na sa kabila ng ulan ay sumugod pa rin at hindi nagpatinag ang mga dumalo para samahan ang ating Pangulo? Sa Quirino Grandstand din ginanap ang kanyang miting de-avance noong 2016 elections — kaya sa pagbabalik-tanaw natin sa mga kaganapan sa nakalipas na panahon ay talagang nakakataba ng puso ang suporta ng taumbayan sa ating minamahal na Tatay Digong.


Nagpapasalamat tayo sa mga nag-organisa at nagsidalo, lalo na ang mga kasamahan nating hindi bumitaw mula noon hanggang sa huli.


Nakakatuwa ring makita ang mga kababayan nating pumunta sa event para makita ang Pangulo at mailahad ang kanilang mga karanasan sa nakaraang anim na taon. Kayo ang testamento ng magagandang pagbabago na inihandog ng Duterte administration.


Isa sa kanila ang 18-anyos na si Agatha Tolentino, na nagpakilalang “solid Duterte supporter” sa panayam ng Philippine News Agency. Ayon kay Agatha, “Gusto kong masaksihan bago siya bumaba sa pwesto kasi ever since naging Presidente siya, di ko pa siya nakikita in person. Masyado akong na-amaze sa ginawa niya, for example, ‘yung ‘Build, Build, Build’ program, malaking tulong sa bansa natin.”


Naroon din ang 63-anyos na si William Arevalo, na taga-Caloocan City na bilib naman sa tapang ng ating Pangulo. Aniya, naging tahimik at ligtas ang ating bansa. “Ang droga, kriminal, sinugpo niya. Nabawasan ang mga adik.”

Hindi naman nagdalawang-isip ang taga-Pampanga na si Rachel Quesada sa pagdalo sa event kahit bumiyahe pa siya ng malayo. “Since this will be the last time na makikita ko si PRRD during an event, kahit galing kaming Pampanga, nag-travel kami.”


Bilib siya sa Pangulo dahil para aniya itong istriktong tatay pero may malalim na malasakit sa kanyang mga anak. “Maramdaman mo ‘yung concern niya, ‘yung care niya para sa mga Pilipino. Ang dami niyang nagawa. Ngayon ako na-in love sa Pilipinas.”


Bago naman ang nasabing pagtitipon ay tuloy pa rin ang ating Pangulo sa kanyang pagtatrabaho para mabigyan ng komportableng buhay ang bawat Pilipino.


Noong Hunyo 23 ay pinangunahan niya ang ceremonial awarding ng 640 housing units para sa mga benepisyaryong mula sa uniformed service units, government agencies at mga overseas Filipino workers sa Talomo District, Davao City. Pinangunahan din niya noong Hunyo 25 ang muling pagbubukas ng Philippine National Railways San Pablo-Lucena Inter-Provincial Commuter Service, na noong Oktubre 2013 pa nakahinto ang operasyon dahil sa bumagsak na pundasyon.


Dahil matagal natin siyang nakasama, alam nating kahit wala na siya sa puwesto ay magpapatuloy pa rin ang kanyang malasakit sa mga Pilipino. Nasa puso niya palagi ang paninilbihan sa kapwa niya tao.


Maaasahan ang kanyang presensya, lalo na sa panahon ng krisis at kalamidad. Ito ang isa sa mga natutunan natin sa kanya — ang importansya ng pagiging palaging handang tumulong, lalo na sa panahon ng pagdadalamhati, sa mga taong pinakanangangailangan.


Gusto niyang personal na nakikita ang kalagayan ng ating mga kababayan — hindi lang para pagaanin ang kanilang dalahin — kundi para ipakitang ang kanilang pinuno at ang buong pamahalaan ay palaging nariyan, na parang amang nag-aaruga sa kanyang mga anak.


Marami tayong natutunan kay PRRD at siya ang humubog sa inyong lingkod kung paano maging masipag at tapat na lingkod bayan. Kaya kahit senador na ang inyong lingkod at kung anuman ang itatakda ng tadhana, patuloy nating susuportahan si Pangulong Duterte.


Walang sapat na salita kung paano natin siya mapapasalamatan. Ngunit ang higit na magpapasaya sa kanya ay kung isasapuso natin ang ating mga natutunan at maipagpapatuloy natin ang kanyang pangarap para sa bawat Pilipino.


Maikli at makahulugan din ang kanyang naging mensahe sa ginanap na event: “Sa sambayanang Pilipino, maraming-maraming salamat sa inyo.”


Maikli man ang anim na taon para sa isang lider na malaki ang naiambag sa ating lipunan, ngunit panatag ang ating loob na ginawa niya ang lahat para sa ikabubuti ng sambayanang Pilipino. Sana lang ay maramdaman at maalala rin ng susunod na henerasyon ang mga naiwang legacy ng nag-iisang Rodrigo Roa Duterte!

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page