ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | April 27, 2021
Bagama’t mahigit isang libong paaralan ang kasalukuyang ginagamit bilang isolation facilities, mariing hinihimok ng inyong lingkod ang pamahalaan na pabilisin ang pagpapatayo ng mga quarantine centers at field hospitals, lalo na’t ngayon ay patuloy na napupuno ang mga ospital ng mga pasyenteng may COVID-19.
Hindi natin maaaring gamitin nang matagalan ang paggamit sa mga paaralan bilang mga isolation facilities o evacuation centers sa panahon ng kalamidad. Hindi ito nakatutulong upang itaguyod ang kaligtasan ng mga paaralan, lalo na sa ilalim ng new normal. Bukod pa rito, nakaaantala rin sa ligtas na pagbubukas ng mga eskuwelahan para sa mga mag-aaral ang matagal na paggamit sa mga paaralan sa tuwing mayroong sakuna.
Sa ibang bansa, ipinatatayo ang mga field hospitals upang paigtingin ang kakayahan ng mga health care system na pangalagaan ang mga pasyenteng may COVID-19. Nito lang nakaraan ay nag-anunsiyo ang Thailand na maglalagay ng 10,000 field hospital beds matapos maitala ang muling pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa kanila. Noong nakaraang taon naman, umabot sa 13,000 libong pasyente ang ginamot sa 16 temporary hospitals sa Wuhan, China na dating tinaguriang global epicenter ng pandemya.
Noong nakaraang taon din, ang Lungsod ng Valenzuela ay naglagay ng centralized isolation facilities sa Balai Banyuhay at sa Valenzuela Astrodome, kung saan inilagay ang mga modular tents at higaang pang-militar para magamit ng mga pasyente. Ang Balai Banyuhay ay drug rehabilitation at treatment facility sa aming lungsod.
Ang mabilis na pagpapatayo ng field hospitals at quarantine centers ang paraan upang mabigyan natin ng agarang atensiyon ang mga kababayan nating nagkakasakit. Sa halip na masanay tayong gumamit ng mga paaralan bilang isolation facilities o evacuation centers, ang dapat nating tiyakin ay ang pagkakaroon ng sapat at angkop na mga pasilidad para sa mga nangangailangan ng tulong medikal.
Kaya bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, muling isinusulong ng inyong lingkod ang ating panukalang magkaroon ng evacuation center ang bawat lungsod at munisipalidad sa bansa. Sa ilalim ng Senate Bill No. 747 o Evacuation Center Act na inihain noong 2019, ang mga evacuation center ay magsisilbi lamang na pansamantalang tirahan para sa mga naapektuhan ng mga sakuna, kabilang ang mga outbreak ng mga sakit.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Commenti