top of page
Search
BULGAR

Dagdagan ang child development workers, teachers para sa kapakanan ng mga batang edad 0-4

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 8, 2023

Ilan lamang ang child development workers (CDWs) at child development teachers (CDTs) sa bansa na siyang katuwang natin para maipalaganap ang early childhood education sa mga bata na may edad zero hanggang 4 taong gulang.


Unang una, wala kasing kasiguruhan ang employment status nila. Lumalabas sa datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na sa 78,893 na bilang ng mga CDWs sa buong bansa, 11% o 8,739 lamang ang may permanenteng posisyon sa kanila.


Sa isang pagdinig sa Senado ukol sa pagpapatatag ng early childhood care and development (ECCD) system sa bansa, lumalabas din sa datos ng DSWD na ang 23,835 sa kanila ay nasa ilalim lamang ng contractual employment o 30%, 22% naman o 17,749 ang mga nasa casual position, habang 20% o 15,890 ang saklaw lamang ng memorandum of agreement. Bukod dito, iniulat din ng DSWD na siyam na porsyento o 7,389 ay mga volunteer habang pitong porsyento o 5,561 naman ang nagtatrabaho sa bisa ng job order.


Bakit nga ba mahalaga ang mga social child development workers at child development teachers?


Ayon sa UNICEF Early Childhood Education Kindergarten to Grade 4 Longitudinal Study noong 2021, mas mataas ang marka sa Literacy (697) pagdating sa Grade 4 ng mga mag-aaral na nakatanggap ng early childhood education kung ihahambing sa mga hindi nakatanggap nito (672).


Mas mataas din ang score sa Mathematics (702) ng mga nakatanggap ng early childhood education kung ihahambing sa mga hindi nakatanggap nito (671).


Sa ilalim ng inihaing panukala ng inyong lingkod na Basic Education and Early Childhood Education Alignment Act (Senate Bill No. 2029), na layong amyendahan ang Early Years Act of 2013 (Republic Act No. 10410), iminumungkahi rito ang mas malawak na responsibilidad para sa mga local government units (LGUs) pagdating sa pagpapatupad ng mga programa ng ECCD.


Kasama rito ang paglikha ng plantilla position para sa mga Child Development Teachers at Child Development Workers, pati na rin ang pagsulong ng kanilang professional development.


Kung nais nating isulong ang professionalization at paigtingin ang ECCD, kailangan nating ayusin at tiyakin ang kanilang tenure sa trabaho.


At dahil nakasaad sa panukalang batas na ibibigay sa mga LGUs ang responsibilidad at pamamahala ng tenure ng mga child development workers, bibigyan sila ng awtoridad na mamili kung sino ang itatalaga nila sa mga plantilla positions.


Iminumungkahi rin ng Basic Education and Early Childhood Education Alignment Act ang responsibilidad ng mga LGU na magbigay ng sapat na pasilidad at mga resources para sa pagpapatupad ng ECCD programs. Layon din ng panukalang batas na makamit ang universal coverage para sa national ECCD system.


Sa naturang panukalang batas, sisiguraduhin na tugma ang K to 12 basic education curriculum sa ECCD curriculum — bagay na imamandato sa ECCD Council. Sa ilalim ng ECCD curriculum, dapat matiyak na matutugunan ang mga pangangailangang pang kalusugan, nutrisyon, at kalinisan ng mga bata.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, layon ng inyong lingkod na isulong ang mga adhikaing magpapaangat ng kalidad ng ECCD system at tiyakin ang mas matatag na trabaho para sa mga child development teachers and workers.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page