top of page
Search
BULGAR

Dagdag-trabaho, solusyon sa kahirapan

by Info @Editorial | Dec. 8, 2024



Editorial

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), tumaas ang unemployment at underemployment rate nitong Oktubre. 


Kabilang umano sa dahilan ng pagtaas ng bilang ng mga walang trabaho ay ang magkakasunod na bagyong tumama sa bansa. 


Oktubre, nasa 3.9% ang jobless rate sa bansa na mas mataas sa 3.7% noong Setyembre. Katumbas ito ng 1.97 milyong Pinoy na walang trabaho. 


Ang underemployment rate naman, tumaas sa 12.6% noong Oktubre mula sa 11.9% noong Setyembre. Katumbas ito ng 6.08 milyong manggagawang Pinoy na underemployed. Mataas ito nang bahagya kumpara sa 5.94 milyong underemployed noong Setyembre. 


Ang paglobo ng mga walang trabaho ay isang patunay na may mga kailangang baguhin at pagtuunan sa ating sistema. 


Isa sa mga pangunahing dahilan ng mataas na unemployment rate ay ang kakulangan ng mga pagkakataon para sa mga manggagawa, lalo na sa mga kabataang naghahanap ng trabaho. 


Ang mismatch ng mga kasanayan at ang pangangailangan sa merkado ay isa ring hadlang sa paghahanap ng trabaho. 


Bukod dito, may mga sektor ng ekonomiya na patuloy na nalulugmok, tulad ng agrikultura at ilang bahagi ng industriya. Sa mga ganitong kalagayan, nawawala ang mga trabaho na dati ay umaasa ang maraming tao. 


Kailangang pagtuunan ng pansin ang pagpapalakas ng mga kasanayan ng mga manggagawa at pagbibigay ng makabagong edukasyon at pagsasanay. 


Dapat ding bigyan ng insentibo ang mga industriya na magbigay ng mga trabaho at magkaroon ng inclusive na pag-unlad, kung saan ang bawat sektor ay may pagkakataong umangat. 

0 comments

Recent Posts

See All

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page