ni Thea Janica Teh | November 23, 2020
Magtataas na ng singil sa toll fee sa North Luzon Expressway (NLEX) simula Nobyembre 25 nang 12:01 AM.
Para sa mga class 1 o regular car at Sports Utility Vehicles (SUVs), P4 ang idagdag sa flat rate nito sa pagpasok sa mga ‘open system’ kabilang ang Quezon City, Caloocan City, Valenzuela City, Malabon City, Navotas City at Meycauayan at Marilao, Bulacan.
Samantala, P10 ang idaragdag sa mga bus at small trucks at P11 naman para sa mga malalaking sasakyan sa ‘closed system’ na nagsisimula sa Bocaue, Bulacan hanggang Sta. Ines interchage at connection sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX). Ito ay itinaas sa 6 centavos per kilometer.
Kaya naman, para sa end-to-end travel mula Metro Manila hanggang Mabalacat, Pampanga, aabot sa P9, P20 o P25 ang dagdag-singil sa toll fee depende sa vehicle type na gamit.
Ang pagtaas ng toll fee ay sanhi ng pagbubukas ng NLEX Harbor Link segment, ang elevated extension ng expressway sa pagitan ng Caloocan Interchange at C3 Road at Navotas Interchange sa tabi ng Mel Lopez Boulevard. Ito ay nagkakahalaga ng P7 bilyon na binuksan noong Hunyo 15 at kasalukuyan nang dinaraanan ng halos 30,100 vehicles kada araw.
Dahil dito, nasa 20 minuto na lamang ang biyahe mula Mindanao Avenue toll plaza hanggang Port Area sa Maynila.
Comments