top of page
Search
BULGAR

Dagdag-sahod sa mga Pinoy teachers, ngayon na!

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | September 20, 2022


Sa gitna ng pagdiriwang ng National Teachers’ Month mula Setyembre 5 hanggang Oktubre 5, patuloy tayong naninindigan bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education na kailangang bigyang-prayoridad ang pagtataguyod sa kapakanan ng ating mga guro, kabilang na ang pagtaas ng kanilang sahod.


Kung hindi dahil sa kanilang mga sakripisyo, hindi maipagpapatuloy ang edukasyon sa gitna ng pandemya ng COVID-19. Dahil ang mga guro ang isa sa may pinakamahalagang papel para sa pagkatuto ng mga bata, kailangang itaas ang kanilang morale.


Una sa mga prayoridad nating panukalang batas ngayong 19th Congress ang Teacher Salary Increase Act (Senate Bill No. 149) na layong itaas ang salary grade (SG) ng Teacher I sa SG 13 na may sahod na P29,798 mula SG 11 na may sahod na P25,439. Layon ding itaas ng panukalang batas ang sahod ng Teacher II sa SG 14 (P32,321) mula SG 12 (P27,608). Para naman sa Teacher III, itataas ang kanilang sahod sa SG 15 (P35,097) mula SG 13 (P29,798).


Nakalulungkot dahil pagdating sa sahod ay napag-iwanan na ang mga guro ng bansa kung ikukumpara sa mga guro sa ASEAN region. Halimbawa na lang sa Singapore, kung saan ang average na buwanang entry level na sahod ng guro ay P51, 820—ang pinakamataas sa ASEAN. Sa Malaysia naman, ang average na buwanang entry level na sahod ng mga guro ay P44, 607.


Maliban sa pagtaas ng sahod ng mga guro, muli rin nating iginigiit ang panawagan para sa ganap na pagpapatupad ng Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670).


Isa sa mga rekomendasyon natin ay ang pagpapagaan sa trabaho ng mga guro upang makatutok sila sa kanilang pangunahing trabaho – ang mismong pagtuturo. Kaugnay nito, kailangan ding may sapat na non-teaching personnel sa lahat ng mga paaralan, lalo na’t maraming non-teaching jobs ang pinapagawa pa sa mga guro.


Bukod dito, kailangan din ng mga guro ng sapat na health insurance. Sa isang panukala ng Government Service Insurance System (GSIS), ang mga personnel ng Department of Education na mayroong premium na P400 ay mabibigyan ng coverage na aabot sa P120,000. Aabot lamang sa P369.8 milyon ang gagastusin ng pamahalaan upang matustusan ang mga premium na ito.


Dapat ding maamyendahan ang Magna Carta for Public School Teachers at gawin itong mas angkop sa kasalukuyang panahon.


Patuloy nating isusulong ang ating adbokasya na matugunan ang pangangailangan ng ating mga guro at maitaguyod ang kanilang kapakanan. Napapanahon na ring tuparin ng pamahalaan ang pangako sa ating mga guro.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page