ni Ryan Sison @Boses | Dec. 22, 2024
Tiyak na mapapawi ang pagod at iba pang alalahanin ng ating mga kasambahay sa pagpasok ng Bagong Taon.
Ito ay dahil inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa National Capital Region (RTWPB-NCR) ang P500 umento sa buwanang sahod para sa mga domestic worker.
Base sa Wage Order No. NCR-DW-05, sinabi ng NCR wage board na ang bagong minimum na sahod sa naturang rehiyon para sa mga kasambahay ay nasa P7,000 kada buwan, kung saan P500 na mas mataas ito kumpara sa dating rate na ipinatutupad.
Ang naturang wage order ay batay sa decision motu proprio ng board matapos na simulan ang proseso ng pagtukoy sa minimum wage, at sa isinagawa nilang pag-aaral at konsultasyon hinggil sa pangangailangan ng mga kasambahay at ng kanilang pamilya.
Sa kasalukuyan nasa P6,500 ang buwanang minimum na sahod para sa mga kasambahay sa Metro Manila,
Magkakabisa o magiging epektibo naman ang bagong dagdag-sahod para sa nasabing sektor sa January 4, 2025.
Binigyang-diin pa ng kagawaran na lahat ng domestic worker sa NCR ay sakop ng nasabing wage order, anuman ang uri ng trabaho ng mga ito, live-in man o live-out sa pinaglilingkurang pamilya.
Magiging masagana sigurado ang New Year ng marami nating kababayang kasambahay sa Metro Manila kapag naipatupad na ang umento nila sa kanilang buwanang sahod.
Mas malaki-laki na rin kasi ang kanilang kikitain na maiaabot sa kanilang pamilya para sa kanilang mga pangangailangan at iba pang gastusin sa bahay.
Sa mahal ng mga bilihin ay hindi talaga maiiwasan na kapusin din sila, na kung minsan ay humahantong pa sa puntong mangungutang muna o kaya naman ay bumale sa kanilang amo, kaya ang resulta halos ubos na ang sinuweldo nila bago pa dumating ang kanilang payday.
Pero dahil may dagdag na sa kanilang sahod, kahit papaano ay magagawa na nilang pagkasyahin ang kanilang badyet.
Paalala lamang natin sa mga employer na huwag sanang kalimutan at sundin ang ipinatutupad ng batas patungkol sa sahod ng mga domestic worker.
Alalahanin na lang sana natin na para sa ikabubuti rin ito ng ating mga kasambahay na lagi namang nandiyan upang tayo at pamilya ay alagaan, pagsilbihan at asikasuhin ang lahat ng ating pangangailangan. Gawin nating pagmalasakitan sila at sikapin ding ituring na hindi ibang tao kundi pamilya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments