ni Ryan Sison @Boses | Nov. 26, 2024
Bagama’t maaaring ilan sa mga taxi rider o komyuter ang hindi nakakaalam na P50 na ang flag-down rate, may mga taxi driver na nagsasabing kulang pa rin ito at umaasa silang maitaas sana ng P60.
Ayon sa isang taxi driver, may mga pasahero siyang naisakay na hindi batid ang bagong flag-down rate sa taxi batay sa order ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Central Office nitong unang bahagi ng taon, para sa parehong air-conditioned at non-airconditioned taxi, subalit hindi kasama rito ang mga airport taxi services.
Ito ay bilang tugon ng kagawaran sa petisyon ng taas-pasahe ng mga taxi driver noong 2022.
Sinabi naman ng isa pang taxi driver na may ibang pasahero na nagagalit, at ang iba ay bumababa na lamang dahil sa nagugulat ang mga ito sa P50 na flag-down rate.
Gayunman, may mga taxi rider naman na kapag ipinaliwanag nang maayos at naintindihan ito ay pumapayag na magpahatid at walang nagiging problema sa kanila.
Pahayag ng nasabing taxi driver, ang kanyang operator ay maagap naman sa pag-calibrate ng kanyang taxi meter.
Matatandaang base sa polisiya ng LTFRB, tanging ang mga taxi na may re-calibrated meters ang maaaring maningil ng bagong flag-down rate. Subalit, may ilang mga taxi driver na pinipiling huwag gawin ito dahil anila karagdagang gastusin pa ito para sa kanila.
Para sa ilang mga may-ari o operator ng taxi, ayaw nilang pa-resealing ang kanilang mga taxi dahil mahal ang bayad sa rami ng kanilang mga unit habang P50 lamang ang dagdag, kung saan lumalabas na lugi naman sila rito.
Ayon sa presidente ng Philippine National Taxi Operators Association, nagpapasalamat sila sa ginawang pagtaas ng flag-down rate, pero hindi pa rin ito sapat sa kanilang kinikita. Giit nila na dapat ang ibigay sa kanila ay ang kanilang orihinal na petisyon na P60 flag-down rate. Paliwanag nila, maganda ito dahil dagdag sa kanilang kita, pero kulang ito dahil sa tumataas din ang gasolina, at parang parehas lang ang nangyayari.
Pero para sa mga komyuter, ang pagtaas pa ng taxi fare ay wala na sa kanilang budget, habang ang iba ay mas pinipili na lamang ang mga transport network vehicle services.
Marahil, dapat na pag-aralan munang mabuti ang hirit ng mga taxi driver na P60 flag-down rate sa taxi bago ito ipatupad.
Tiyak na maraming mga kababayan ang mag-aatubiling sumakay ng taxi at gagawing mag-book na lamang sa mga motorcycle taxi na mabilis na ay mura pa, o kaya naman ay magtiis sa jeep o e-jeep at bus makarating lamang sa kanilang mga pupuntahan.
Batid natin ang hinaing ng mga taxi driver na kapos talaga ang kanilang kinikita dahil sa walang humpay na taas-presyo ng langis na ang kasunod siyempre ang pagtaas ng mga bilihin at bayarin, subalit, kailangan ding isipin ang mga komyuter na nagbabadyet naman sa araw-araw at pinagkakasya ang kanilang mga kita. Kumbaga, dapat timbangin muna at tiyaking patas ang magiging desisyon upang walang madehado.
Hiling natin sa kinauukulan na mag-isip ng magandang paraan para talagang masolusyunan ang hindi matapos-tapos na problema sa oil price hike nang sa gayon ay magbigay ng kaluwagan sa halip na pasanin sa lahat ng mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments